san-vicente-palawan-fish-processing-and-seaweeds

Nagkaloob ng mga gamit sa pagpo-proseso ng produktong isda ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa asosasyon ng mga seaweed growers sa Sitio Panindigan, Poblacion, ika-3 ng Pebrero.

Tinanggap ng Seaweeds Grower Association of Sitio Panindigan ang mga gamit tulad ng kawali, kutsilyo, tadtaran, timbangan, vacuum sealer, blower, plastic containers, pouch at iba pang gamit sa paglikha ng produktong lamayo at tinapa.

“Lahat ng mga pangangailangan nila sa pag-proseso hanggang doon sa packaging ng mga product ay ibinigay natin sa kanila,” ani Bb. Karen Andonga ng Livelihood team.

san-vicente-palawan-fish-processing-and-seaweeds

Kasabay ng pagkakaloob ng naturang mga gamit ang pagpapasinaya ng fish processing center na itinayo ng asosasyon bilang kasunduan bago ang pamamahagi.

Maliban dito, nauna nang isinailalim ang mga miyembro ng asosasyon sa pagsasanay patungkol sa food processing. Tinuruan din ang mga ito sa aspeto ng packaging, labelling at costing.

Dumalo sa gawain sina G. Carlo Buitizon ng Mayor’s Office, Kagawad Pedro Rombo at Kagawad Ismael Turla na tumatayong adviser ng asosasyon.

Ang gawaing ito ay bahagi ng pagpapalakas at pagpapalago ng munisipyo sa pagkakakitaan ng mga asosasyon sa mga barangay nang sa gayon ay maging katuwang sa paglikha ng mga produktong mayaman sa kanilang lokalidad.

“Ang objective natin ay makilala ang San Vicente na mayroon tayong sariling produkto na kapag may pumunta rito [at] kailangan nila ng lamayo ay mayroon tayong ituturong asosasyon na accredited ng LGU na mayroon silang quality fish product,” saad ni Bb. Andonga.