san-vicente-psu

Inaprubahan ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) – San Vicente ang kahilingan ng Palawan State University San Vicente Campus na magsagawa ng face to face enrolment.

Sa isinagawang pagpupulong ng MIATF kahapon, ika-19 ng Enero, ay nagkaisa ang mga miyembro na payagan ang pisikal na pagpapatala ng mga mag-aaral sa naturang unibersidad sa kondisyong masusunod ang mga itinakdang health protocols may kinalaman laban sa pagkalat ng COVID-19.

Magkakaroon din ng monitoring team upang masiguro na nasusunod ang naturang mga panuntunan.

Ayon kay PSU San Vicente Director Frederick R. Caabay, isasagawa ang pagpapatala sa ika-2 hanggang ika-6 ng Pebrero taong kasalukuyan. Inaasahan na mayroong humigit kumulang 250 mag-aaral ang magpapatala para sa ikalawang semestre ng taong panuruan 2020-2021.

Dagdag pa niya, maliban sa face to face enrolment ay maaari namang magpatala ang mga mag-aaral na nasa malalayong barangay sa pamamagitan ng online registration.

Ang mga kurso na maaaring kuhanin ay kinabibilangan ng BS in Entrepreneurship, BS in Computer Science, BS in Environmental Science, AB in Political Science at BS in Tourism Management.