
Nagsimula nang tumanggap ang Palawan State University (PSU) San Vicente Campus ng rehistrasyon ng mga mag-aaaral para sa unang semestre ng taong panuruan 2021-2022.
Ayon sa hepe ng PSU San Vicente, nagsimula na ang online pre-registration para sa mga nagnanais mag-aral ng kolehiyo sa kanilang campus noon pang Lunes, Mayo 31, at magpapatuloy sa susunod na linggo.
“Ang enrollment actually ay nagstart no’ng Monday. Dapat one week lang iyan, pero na-extend iyan hanggang next week,” ani Campus Director Frederick Caabay. Online ang isinasagawang pagpapatala kung saan kinakailangan na ipasa ang kopya ng mga dokumento tulad ng birth certificate at Form 137.
“They are required to submit no’ng mga birth certificate, ‘yung kanilang good moral, at ‘yung kanilang Form 137 o mga grades nila dahil ‘yun ay kailangan para doon sa free tuition ng CHED,” ayon pa kay Caabay.
Mayroong limang programa na maaaring pagpilian ang mga mag-aaral na nais magpatala para sa unang semestre na magsisimula sa buwan ng Agosto.
Ang mga kursong ito ay Bachelor of Arts in Political Science, Bachelor of Science in Tourism Management, Bachelor of Science in Entrepreneurship, Bachelor of Science in Environmental Science at Bachelor of Science in Computer Science.
Dagdag pa niya, walang babayarang matrikula o tuition ang mga mag-aaral batay na rin sa Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Online ang paraan ng pagtuturo sa ngayon sa naturang unibersidad dahil sa COVID-19 pandemic. Ang mga learning modules ay ibinabahagi rin sa mga estudyante sa pamamagitan ng internet.
“May posibilidad na mayroon din tayong tinatawag na blended which is minsan ‘yung mga bata talaga particularly sa mga area na walang signal minsan [ay] pumupunta sila sa campus at nagtatanong kung maaari ba nilang isubmit ang kanilang mga output [at maging ang pagkuha ng mga module],” paliwanag pa niya.
Ayon pa sa PSU San Vicente, isa sa mga advantage ng estudyante na nagtapos sa kanila ay madaling itong makakahanap ng trabaho sa tulong na rin ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.
“’Yung mga graduates kasi natin, almost hundred percent ay may mga work na. Then, karamihan they are the priority kasi ng LGU to be their employee. So, it’s an advantage sa mga estudyante na graduate ng PSU San Vicente kasi ‘yung work ay nandito na lang,” lahad ni Bb. Jo-An De Guzman Bandin ng Office of the Student Affairs.
Samantala, may mga indibidwal at pribadong sektor ding nagpahayag ng kanilang suporta sa PSU San Vicente upang mapagaan ang pag-aaral ng mga estudyante tulad na lamang ng pagbibigay ng scholarship at allowance.
Patuloy namang hinihikayat ng pamunuan ng unibersidad ang mga nagtapos ng sekondarya na magpatala na sa PSU San Vicente.
“Sa mga incoming freshmen, we encourage you na dito na mag-enrol sa PSU San Vicente dahil marami ring privilege na pwede ninyong makuha. Una, makakapagtipid din kayo dahil nandiyan ang pamilya ninyo dahil alam natin ang mode of learning ngayon ay online so mahirap din sa load particularly kung kayo ay malayo,” ani Caabay.
“Aside from that, mayroon ding mga nakaabang na scholarship sa mga mapipiling estudyante… ‘Yun ay malaking prebelihiyo para sa mga estudyante na mage-enrol sa PSU San Vicente,” dagdag pa niya.