Sinimulan na ang pagbabakuna sa mga tourism workers ng bayan ng San Vicente matapos ang ceremonial vaccination na isinagawa ngayong araw ng Martes, Agosto 3, kung saan 10 indibidwal ang tumanggap ng unang dose ng kanilang COVID-19 vaccine.

Ang ceremonial vaccination na isinagawa sa Departure Area ng San Vicente Airport ay dinaluhan nina Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, Secretary Vince Dizon, Governor Jose Ch. Alvarez, Congressman Franz “Chikoy” Alvarez at Mayor Amy Roa Alvarez.

Noong araw ng Lunes, Agosto 2, ay dumating ang 1,000 doses ng bakuna na inilaan ng pamahalaang nasyunal kung saan target na mabakunahan ang 500 manggagawa ng turismo sa bayan ng San Vicente.

Ang pagbabakuna ng mga tourism workers ay bahagi ng hakbang upang mabilis na maiahon ang sektor ng turismo sa bansa sa layuning matulungan ang maraming munisipyo, lalawigan at lungsod na umaasa sa naturang sektor, ayon kay Sec. Vince Dizon.

“Hindi na tayo pwedeng maghintay, kailangan talaga buksan na natin ang pagbabakuna para sa kanila para dahan-dahan ay maiahon na natin sila. Kaya ang sinabi nga ni Sec. Berna kanina nagsimula tayo ngayon tig-1,000 yung mga municipalities natin pero lalaki na nang lalaki iyan tsaka gagawin nating tuluy-tuloy [ang suplay ng bakuna],” pahayag ng Testing Czar.

“Ang pangako natin kay Governor at kay Sec. Berna, ang pangako ni Sec. Galvez is tuluy-tuloy na iyan. Ang objective natin ang tourism workers dito sa Palawan bago matapos ang taon [ay] bakunado na lahat,” pagpapatuloy niya.

Ayon naman kay Sec. Puyat, ang pagbabakuna ang natatanging paraan upang ligtas at protektadong makabalik sa trabaho ang bawat manggagawa sa sektor ng turismo.

“Nandito kami para masimulan na ang pagbabakuna ng lahat ng tourism workers dito. Importanteng mapabakunahan kasi syempre hindi lang naman ‘yung turista dapat [ang] fully-vaccinated pero dapat ang lahat ng nagtatrabaho rito,” ayon sa kalihim ng Department of Tourism.

Pagpapatuloy pa niya, nasa isang milyon ang tinatayang nawalan ng trabaho sa buong bansa dahil sa pandemya.

Kabilang sa mga babakunahan ang mga nagtatrabaho sa mga hotel, souvenir shop, bangkero, masahista at mga drayber. Aniya, katuwang nila ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagkilala ng mga babakunahang manggagawa.

“Si Presidente mismo ang nag-utos na dapat bakunahan na ang mga A4 sa tourism sector. Importante kasi, alam naman ni PRD na dapat mag-start na ang economy, magkatrabaho na ang mga tao. So, actually no’ng kausap namin siya, sabi niya ‘i-start niyo na.’ Kasi sabi naman namin lahat naman sa tourism [sector] ay gustong magpabakuna,” paliwanag pa ni Sec. Puyat.

Hinikayat naman ni Governor Alvarez ang lahat na makibahagi sa pagpapabakuna kontra COVID-19 upang tuluyang mabuksan ang San Vicente sa mga turista.

“Whoever wants [to get vaccinated], go ahead. No more choosy. No more hierarchy. Let’s do it until December so that the tourism sector can open in San Vicente,” mensahe ni Gob. Alvarez. “All tourism workers, all senior [citizens], we have plenty of Johnson and johnson… It’s all now in Puerto refrigerated-storage. So, let’s do it. San Vicente can rise-up again.”

Pinasalamatan naman ni Congressman Alvarez ang pangako ng pamahalaang nasyunal na magkaroon ng tuluy-tuloy na suplay ng bakuna sa buong Palawan.

“Alam naman natin na ito po talaga ang ating kailangan para mabuksang tuluyan ang ating ekonomiya at syempre makabalik trabaho na tayong lahat,” ani ng kongresista.

Sa bayan ng San Vicente, may tinatayang aabot sa 3,000 tourism workers ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Lubha ring naapektuhan ang tourist arrival kung saan nakapagtala lamang ng nasa 8,000 bilang ng mga turista noong taong 2020, mababa kung ikukumpara sa 42, 000 tourist arrival na naitala noong taong 2019. Samantala, tumanggap din ng kaparehas na bilang ng bakuna ang mga bayan ng El Nido at Coron.