San Vicente, Palawan – magkasunod na ginanap ang Community Support Program (CSP) Launching sa dalawang Barangay na sakop ng bayan ng San Vicente noong Huwebes, ika-24 ng Setyembre, taung kasalukuyan.Ang paglulunsad ay pinangunahan ng lokal na pamahalaang bayan (LGU) ng San Vicente, Palawan kasama ng Philippine Marine Corps na sinimulan sa Barangay Kemdeng ika-9 sa umaga at sa Barangay Alimanguan naman pagdating ng ala-una ng hapon.

Ang CSP ay bahagi ng Whole-of-the-Nation Approach Policy sa ilalim ng Executive Order No. 70 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong ika-4 ng Disyembre, 2018 kung saan nakasaad dito ang pangangailangang magtatag ng sustenableng estratehiya upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at matugunan ang mga ugat na sanhi ng insurhensiya. Layon din nitong makuha ang partisipasyon ng lahat ng sector para makamit ang peace agenda ng Pamahalaan.Kasama sa programang ito ang pakikisalamuha ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga unipormadong sangay nito sa komunidad upang matukoy ang mga aktuwal na pangangailangan ng mga tao sa barangay at sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Lokal na pamahalaan at ng iba pang sangay o ahensya ng gobyerno ay mabigyang prayoridad ang paghatid ng mga serbisyong natukoy ng programa.

“End Local Communist Armed Conflict, ito po ang ibig sabihin ng ELCAC, isang programa ng ating gobyerno na ang layunin ay upang matuldukan ang insurhensiya at mabigyan ng pagkakataong bumalik sa tahimik ng buhay na kagaya natin ang mga naliligaw nating mga kababayan,… kasi ilang taon nang nakikipaglaban ang mga ito, wala namang nangyayari… kaya kung may masilip po kayo, sabihin nyo po sa akin at ako mismo ay kakausapin ko sila” Wika ni Punong Barangay Daniel Latube ng Bgy. Kemdeng.

Ayon naman kay Punong Barangay Cesar Caballero ng Bgy. Alimanguan, “Yung mga nakikita nyong naka-unipormeng kasundulahan natin ay papasyal po sa inyong mga kabahayan, sila ay gustong makisalamuha sa atin, huwag po kayong mailang sa kanila, kung makikita po nila na medyo tumagilid na ang bahay nyo, (tutulong sila,) marunong yan silang gumawa at kung makita nila na talagang naghihirap kayo ay maari kayong bigyan ng konting livelihood project kung kinakailangan, yan po ang mga layunin natin.”

Sa mensahe ni Mayor Amy Roa Alvarez na ipinaabot ni Gg. Carlo Buitizon, Chief of Staff ng Mayor’s Office, sinabi nito na hindi dapat matakot ang komunidad sa presensya ng Philippine Marines sa kanilang barangay dahil ang mga ito ay kaibigan, kakampi at magiging katuwang ng mga mamamayan. “Makakasama po natin ang Philippine Marines, magkakaroon ho sila ng emersion dito sa inyong komunidad at magiging katuwang natin sila sa mga activities o mga gawain sa barangay. Sila rin ho ay inyong magiging tulay upang maipaabot ang inyong mga pangunahing pangangailangan sa ating lokal na pamahalaan.”