san-vicente-palawan-naghahanda-para-sa-plebisito

Puspusan ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) – San Vicente sa isasagawang plebesito na nakatakda sa ika-13 ng Marso, 2021 para sa ratipikasyon ng Batas Republika 11259.

Sa ibinahaging calendar of activities ng COMELEC may kaugnayan sa R.A. 11259 o ang pagtatatag ng tatlong magkakahiwalay na probinsya sa Palawan, ang botohan na isasagawa sa ika-13 ng Marso at magsisimula ng alas 7 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon.

Sa ika-11 ng Pebrero hanggang ika-11 ng Marso taong kasalukuyan ang nakatakdang information and campaign period. Nakasaad dito ang pagsasagawa ng “online, virtual, televised or radio-aired information campaigns (“pulong-pulongs”, symposia, fora, or debates).”

Ilan sa ipinagbabawal sa plebiscite period na magsisimula sa ika-11 ng Pebrero hanggang ika-20 ng Marso ay ang pagdadala ng armas o iba pang deadly weapons sa mga pampublikong lugar liban kung may pahintulot mula sa COMELEC, paglilipat ng mga opisyal o empleyado na nasa serbisyo sibil, pagbuo o pagmintina ng reaction at strike forces at ang pagsuspende ng local elective officials at iligal na pagpapalabas ng bilanggo.

Napag-alaman kay Election Officer Lalaine D. Martir na mayroong kabuoang 18,600 bilang ng mga rehistradong botante sa munisipyo ng San Vicente na maaaring makibahagi sa isasagawang plebesito. Mayroong 120 bilang ng voting precincts ang bubuksan sa sampung barangay.

Tinuran din niya na ang maaari lamang makapagboto sa darating na plebesito ay iyong mga nakapagparehistro bago ang ika-19 ng Oktubre, 2019.

Layon ng R.A. 11259 na magtatag ng tatlong magkakahiwalay na probinsya sa Palawan na tatawaging Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.