san-vicente-palawan-plebiscite

Hinihikayat ng Office of the Election Officer-San Vicente ang lahat ng kwalipikadong botante na makibahagi sa nalalapit na plebisito na naglalayong lumikha ng tatlong magkakahiwalay na probinsya sa Palawan.

“Gusto ko pong imbitahan ang lahat ng mga kwalipikadong botante natin ngayon na lumabas po tayo, makilahok at makialam po tayo sa paghahati ng ating probinsya ng Palawan ngayong March 13, 2021 Palawan Plebiscite,” ani Election Officer Lalaine D. Martir.

san-vicente-palawan-plebiscite

Aniya, puspusan na ang kanilang isinasagawang paghahanda at pagpaplano upang maging matagumpay ang plebisito base na rin sa kanilang mandato. Ngayong araw, ika-26 ng Pebrero, ay nagsagawa ng 2nd Joint Stakeholders Meeting kung saan tinalakay ang patungkol sa seguridad, paghahatid at pagkuha ng mga plebiscite supplies at paraphernalia, mga gagamiting presinto, at ang pagpapatupad ng health and safety measures.

“Sabi ni Doc. Bon Esturninos kanina, ang ating Asst. Municipal Health Officer, mag-iikot po sila sa ating mga barangay para po mai-prepare o mai-orient ang mga health personnel nila na magdu-duty during plebiscite po,” sabi pa ng Election Officer.

Dagdag pa niya, magkakaroon ng mga Isolation Polling Place (IPP) sa 24 na voting centers ng munisipyo kung saan boboto ang mga botanteng may sintomas ng COVID-19.

“Itong (IPP) ‘yung pinaka-safety or kailangan during plebisito. Kasi kung sakaling mayroon talagang kwalipikadong botante na gustong bomoto sa plebisito [at] mayroon siyang posibleng sintomas or galing siya sa area na maraming COVID-19 cases, hindi po kasi natin siya puwedeng i-deprive sa kanyang karapatan na bomoto… kaya para maiwasan na makahawa siya, kailangan natin na i-isolate siya,” paliwanag pa niya.

san-vicente-palawan-plebiscite

Magkakaroon din umano ng pagsusuri ng temperatura at pagfill-out ng health declaration form bago makapasok at makaboto. Maglalagay din ng mga sanitation materials tulad ng alcohol.

“Bago sila pumunta ng presinto ay dapat po nakasuot talaga sila ng face mask [at] mas maigi kung mayroon tayong face shield. Then pagdating doon dapat mag-sanitize … [at] sundin ang social distancing,” paghihikayat pa ni Election Officer Martir.

Dagdag pa niya, nakapagsagawa na ang kanilang opisina ng pulong-pulong o info drive sa sampung barangay ng San Vicente.

Manu-mano rin ang sistema ng pagboto sa plebisito kung saan isusulat ng botante ang “Yes” o “Oo” kung sila ay pabor sa pagtatatag ng Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur at “No” o “Hindi” naman kung nais ng mga ito na mapanatili ang kasalukuyang iisang probinsya.

Ang plebisito sa ika-13 ng Marso 2021 ay naglalayong magkaroon ng ratipikasyon ang Batas Republika Bilang 11259.

Sakaling mapagtibay, ang munisipyo ng San Vicente ay mapapabilang sa Palawan Oriental kung saan ang bayan ng Roxas ang magsisilbi nitong kapitolyo.