san-vicente-palawan-mgc-building

Ang buwan ng Oktubre ay selebrasyon ng mayamang kultura, tradisyon at karapatan ng mga katutubo sa bayan ng San Vicente. 

Kamakailan ay nilagdaan ni Mayor Amy Roa Alvarez ang Ordinance No. 19, Series of 2021 na nagdedeklara sa ikasampung buwan ng bawat taon bilang Indigenous Peoples’ (IP) Month sa munisipyo.

Iba’t ibang aktibidad at programa ang isasagawa sa bawat barangay na may layuning mapagtibay ang tiwala ng mga katutubo at mahikayat ang mga ito na maging aktibo sa pakikibahagi at pagsuporta sa mga programa at proyektong itinataguyod ng lokal na pamahalaan ng San Vicente.

“Pinahahalagahan natin ang mga kagawian ng mga katutubo dahil ito ang nagsisilbing pagkakakilanlan ng ating bayan. Kaya sa pamamagitan nito ay patuloy nating pagyayamanin ang ating kultura, tradisyon at iba pa na nagsisilbing mukha ng San Vicente,” saad ni Mayor Alvarez patungkol sa IP Month.

Noong mga nakalipas na taon, ipinagdiriwang ang IP Day tuwing Oktubre 29 base sa itinatakda ng Municipal Ordinance No. 04-2017 kung saan limitadong bilang lamang na mga katutubo ang nabibigyan ng oportunidad na makadalo sa selebrasyon na madalas ay ginaganap sa sentro ng bayan.

“Mas mabibigyan natin ng pagkakataon ang bawat katutubo na ma-enjoy ang selebrasyon dahil tayo mismo ang pupunta sa kanilang mga barangay upang maibaba ang mga serbisyong mayroon tayo rito sa lokal na pamahalaan,” dagdag ng Alkalde.

Ilan sa mga aktibidad na maaaring gawin tuwing Oktubre sa mga barangay ay ang paligsahan at presentasyon na magpapakilala at lalong magpapayaman ng kultura ng isang etniko. Gayundin, hinihikayat ang pagsasagawa ng tribal mass wedding.

Kabilang din dito ang pagsasagawa ng serbisyong medikal, serbisyong legal at mga pagtatalakay at forum.

Bubuo rin ng Indigenous Cultural Committee na mangangasiwa sa pagpaplano at pagbuo ng mga programa at aktibidad na isasagawa sa naturang buwan. Ito ay pamumunuan ng Alkalde bilang committee chairman.

Ang mga katutubo sa bayan ng San Vicente ay binubuo ng mga Agutaynen, Cuyunon at Tagbanua.