san-vicente-palawan-business-one-stop-shop-schedule

Magsasagawa ng taunang Business-One-Stop-Shop (BOSS) ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ng Business Permits and Licensing Section simula ika-4 hanggang ika-29, ng Abril 2022 sa anim na malalayong barangay ng bayan na San Vicente, Palawan.


Ang programa ay naglalayong mapabilis at mapadali ang pagpapa-rehistro at ang pag-renew ng business permits sa pamamagitan ng pagdadala ng buong proseso at mga ahensiyang may kinalaman sa aplikasyon sa mismong mga barangay.


“Sa pamamagitan ng Mobile BOSS ay mapapapadali ang pagproseso ng mga business permits dahil naririto na ang lahat ng mga ahensiyang may kinalaman sa aplikasyon ng new at renewal of business. Hindi na nila kailangan pang gumastos at pumunta sa munisipyo para iprocess ang kanilang mga permits” wika ni Licensing Officer Rexel A. Rosauro.


Ayon pa sa Licensing Officer, kung dala ng kliyente ang lahat ng mga kinakailangang dokumento, mayroon lamang tatlong hakbang sa pag-renew at pagkuha ng mga business permit. Una ay ang pag-fill up ng Business Permit Unified Form para sa pagkalkula ng buwis sa negosyo at mga bayarin sa regulasyon; pangalawa ay pagbabayad sa Municipal Treasurer; at pangatlo ay ang pag-apruba at pag-release ng business permit.


Ang Mobile BOSS ay gaganapin sa mga barangay ng Alimanguan sa Abril 4–6, Sto. Nino sa Abril 7-8, Binga sa Abril 11-12, New Canipo sa Abril 13, Port Barton sa Abril 18-22 at Caruray sa Abril 25-29, taung kasalukuyan.


Maliban sa business permit applications, kasama din sa serbisyong dala ng Mobile BOSS ang pagproseso ng mga SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth registration ng sinumang residente, ganun din ang pagproseso ng pagpapa-rehistro ng Birth, Death at mga legal instruments at mga request ng kopya ng PSA SECPA ng Birth, Death at Marriage.


Ang paggawa ng BOSS ay bilang pagsunod sa mga probisyon ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 kaugnay ng aplikasyon at renewal ng business permit.