Isang community-based sustainable tourism o CBST ang nakatakdang buksan ng lokal na pamahalaan sa Sitio Bunuangin sa Bgy. Port Barton na maaaring pasyalan ng mga turistang nahihilig sa adventure.

Ang dagdag atraksyon na ito ay ang Bunuangin Jungle Trail na pamamahalaan ng Samahan ng mga Katutubong Tagbanua sa Bgy. Port Barton.

Ayon sa Office of the Municipal Tourism (OMT), pormal na bubuksan ang naturang atraksyon sa publiko sa oras na matapos ang pagsasaayos ng ilan pang pasilidad at paglalagay ng mga signage sa lugar.

Maliban sa pagtatayo ng waiting shed at receiving area, nalinis na rin ang trail patungo sa Bunuangin Waterfalls na dating kilala bilang Nikko Falls.

“Io-open natin ito at the earliest mga katapusan ng Nobyembre o first week ng December. Inaantay na lang natin na matapos ang kanilang receiving area at saka ‘yung signage. Kapag ito ay natapos na i-open na natin siya sa public,” saad ni Municipal Tourism Officer Lucylyn F. Panagsagan.

Aniya, ilan sa mga aktibidad na maaaring gawin dito ay ang picnic, sightseeing, trekking at pakikipag-ugnayan sa mga katutubo upang matuto ng kanilang kultura.

Nakapaloob naman sa proyekto ang pagbibigay ng pagsasanay patungkol sa tour guiding, financial literacy at iba pa para sa mga miyembro ng samahang Tagbanua upang mapalakas ang kakayahan ng mga ito at masiguro na tuloy-tuloy at sustinable ang proyekto. Tutulong din umano ang MTO sa pagma-market at promosyon nito.

Ito na ang ikaapat na CBST sites sa bayan ng San Vicente kung saan ang iba pa ay matatagpuan sa Bgy. New Agutaya, Pamuayan at Bigaho.

Samantala bilang bahagi pa rin ng isinasagawang product development, nakatakda rin silang magsagawa ng site assessment at validation sa Mt. Capuas sa Bgy. Binga at makipagpulong sa mga opisyal ng barangay at ng bayan ng Taytay para sa planong pag-develop ng isang trail at camping site roon.