BOSS 2022

Abala ngayon ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente para sa nakatakdang pag-isyu ng Provisional Mayor’s Permit sa mga business establishments.


Ayon sa BPLO, ang naturang mayor’s permit ay may bisa ng 60 araw at epektibo simula sa ika-1 ng Enero hanggang ika-1 ng Marso 2022. Ang pag-isyu nito ay naglalayong magtuluy-tuloy ang operasyon ng mga negosyo sa susunod na taon habang ipinu-proseso ng mga nagmamay-ari ng negosyo ang kanilang permit renewal.


“Ito ay para roon sa mga nag-process ngayong 2021 na nakakuha ng mayor’s permit. ‘Yung Provisional Mayor’s Permit na ginawa namin ay ipamimigay sa mga barangay at ang mga barangay ang siya namang mag-aabot doon sa mga may-ari,” ani Rexel A Rosauro, licensing officer ng BPLO.

Ipadadala sa mga barangay sa susunod na linggo ang mga iniimprentang provisional mayor’s permit.
Hinihikayat niya ang lahat ng business establishment owners na magbayad nang maaga ng kanilang business tax, fees o charges upang maiwasan ang penalty o interest.

BOSS 2022


“Kahit na mayroon silang provisional permit, sana bago mag January 20 ay nabayaran na ang business tax. Kahit late na ang pag-process ng mayor’s permit. Pero dapat din bago mag March 1 naka-process na sila ng mayor’s permit,” dagdag niya.


Nakatakda ring magsagawa ng mobile business one-stop shop (Mobile-BOSS) sa buwan ng Enero kung saan tutungo sa mga barangay ang BPLO kasama ang iba pang ahensya upang mapabilis at matulungan ang mga business owners sa kanilang aplikasyon.


Patuloy rin ang pagtanggap ng mga transaksyon sa opisina ng BOSS kung saan maaaring magproseso ng mga dokumento mula sa mga partner agencies tulad ng Department of Trade and Industry, Social Security System, PAG-IBIG, PhilHealth at iba pa.


Samantala, ibinahagi rin ng BPLO ang pagtaas ng kanilang koleksyon ngayong taon. Sa kanilang pinakahuling tala noong ika-30 ng Setyembre, mayroong P7,219,063.09 ang total taxes, fees and charges nakanilang nakolekta, higit na mas mataas sa P5,110,583.27 na koleksyon noong taong 2020.


Pinagsusumikapan din na mairehistro ang lahat ng mga business establishments sa munisipyo. Sa kasalukuyan ay mayroong 1452 mga negosyo ang nakarehistro at may permit mula sa lokal na pamahalaan.


(Ang mga larawan ay kuha noon pang nakaraang taon bahagi ng Business One Stop Shop Activity)