san-vicente-palawan-boss-team-inspection

Abala ang Business Permit and Licensing Section (BPLS) sa isinasagawang inspeksyon ng mga negosyo sa buong munisipyo ng San Vicente.

Ayon kay G. Rexel Rosauro, licensing officer I, ang mobile-BOSS o Business One-Stop Shop team ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ay nasa ikalawang bahagi na kung saan nagsasagawa sila ng inspeksyon at validation ng mga negosyo sa mga barangay.

Aniya, natapos na ang unang bahagi ng kanilang gawain kung saan ay tumungo sila sa mga barangay upang tumanggap ng aplikasyon para sa mayor’s permit ng mga negosyo.

“Nakaraan nagpapa-apply kami from Binga to Caruray, ‘yun yung mobile BOSS. Ngayon [ay] second round kami for inspection and validation of businesses. Kasi nakaraang round ay nagpabayad lang tayo, nagprocess sila [at] walang inspection,” saad ni G. Rosauro.

Sa isinagawang flag-raising ceremony ngayong araw, ika-1 ng Pebrero 2021, sinabi niya na ngayong linggo ay nakatakda nilang suyurin ang Bgy. Poblacion.

“Doon sa inspection, nache-check namin ‘yung halimbawa dineclare niya ay sari-sari store lang, pero sa actual inspection ay mayroon din pala siyang grains or poultry products, dapat po ay aaplayan niya rin [iyon ng] seperate permit, o kaya may LPG din pala, ibang permit application na naman po iyon” paliwanag niya.

“Sa pag-inspection kasi mas marami tayong naa-account na hindi dini-declare ng stakeholders kung ano talaga ang businesses na mayroon pa sila. Minsan generalized lang, hindi rin nila alam na kailangan pa pala itong kuhaan ng permit,” dagdag pa niya.

Dagdag pa niya, tumatanggap pa rin sila ng aplikasyon kahit nasa ikalawang bahagi na sila ng kanilang gawain.

“Lahat kasi sinusuyod namin ang mga businesses, nag-apply [man] o wala iniikot talaga iyon. So mayroon kaming nadaanan na hindi talaga nagprocess, so sa field kasama namin ang treasury, nag-aassist din ang BPLS, so nakakapagpa-apply kami roon ng mayor’s permit,” ani ng licensing officer.

Ilan sa mga katuwang sa BOSS inspection team ay ang mga kinatawan mula sa Municipal Treasury, Municipal Engineering, Zoning Inspector at Sanitary Inspector upang matiyak din na ang mga negosyo ay sumusunod sa tamang regulasyon.