san-vicente-border-controls-vs-omicron-variant

Simula ngayong araw, Enero 07, ay muling naghigpit ang bayan ng San Vicente sa pagpapatupad ng mga patakaran sa pagbiyahe partikular sa mga inbound travellers upang maiwasan o mapigilan ang posibleng pagpasok ng Omicron variant ng COVID-19 sa nasasakupang mga barangay.


Pinagana at nakaalerto na ang pwersa ng COVID Shield na nakabantay sa mga quarantine control points (QCPs) na matatagpuan sa mga lagusan ng Bgy. Binga, Port Barton, Caruray, Alimanguan at New Agutaya.


Ang naturang paghihigpit ay naglalayong mapanatiling ligtas ang mga residente sa banta ng pinangangambahang Omicron variant at ng iba pang variant na nagdudulot ng sakit na COVID-19 alinsunod na rin sa mga polisiya ng National Inter-Agency Task Force.

san-vicente-border-controls-vs-omicron-variant
san-vicente-border-controls-vs-omicron-variant

Nagbigay na rin ng direksyon si Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dangue na tumatayong Incident Commander ng Incident Management Team sa Philippine National Police at sa Philippine Marines na mahigpit na ipatupad ang travel protocols na nakasaad sa Municipal Inter-Agency Task Force Resolution No. 11-06-2021.

Ang mga papasok mula sa Palawan na hindi pa nakakakumpleto o wala pang bakuna ay kinakailangang magpresenta ng negatibong resulta ng rapid antigen test na may 24 hours validity. Kabilang sa mga ito ang mga lokal na turista, authorized persons outside residence (APOR), at mga residenteng namalagi ng higit sa tatlong araw sa ibang munisipyo.

Samantalang mayroong pitong araw na validity naman ang antigen result ng mga naghahatid ng pangunahing pangangailangan kabilang ang online shopping delivery.

Hahanapin sa mga itinalagang QCPs ang vaccination card o certificate ng mga fully vaccinated inbound travellers mula sa mga munisipyo ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.

Ang negatibong resulta ng RT-PCR test naman ang requirement para sa mga inbound travellers mula sa labas ng lalawigan na hindi pa nakakumpleto o wala pang bakuna kontra COVID-19. Ang mga bakunado naman ay dapat na mayroong negatibong antigen result.

Hahanapan din ng rehistrasyon sa S-pass ang mga inbound travellers mula sa labas ng Palawan.
Sa huling ulat ng Municipal Health Office, wala nang aktibong kaso ng COVID-19 ang bayan ng San Vicente sa kasalukuyan.