
Umabot sa 52 katao ang nagpa-rehistro upang kusang-loob na mag-donate ng dugo sa Blood Letting Activity na ginawa sa paaralang elementarya ng Barangay Port Barton, San Vicente, Palawan nitong Biyernes, ika-20 ng Nobyembre, taung kasalukuyan.
46 ang matagumpay na nakapagbigay ng dugo at anim naman ang hindi pumasa sa mga criteria upang maging blood donor. Pinangunahan ni Kapitan Enrico A. De Jesus, punong barangay ng Port Barton ang pagbibigay ng dugo kasama ng mga miyembro ng Sangguniang Kabataan, Coast Guard, Boat Operators at ng iba pang volunteers.

Nagpapatuloy ang ginagawang Bloodletting Activity ng Bayan ng San Vicente, Palawan sa kabila ng nararansang pandemya dahil sa COVID-19 upang matugunan ang patuloy na pangangailangan ng sapat at ligtas na dugo sa mga nangangailangan nito.
Ayon kay Dr. Mercy Grace Sipole-Pablico, municipal health officer, ay magkakaroon ng isa pang bloodletting activity bago matapos ang taong 2020. Ito ay gaganapin sa Municipal Gym ng Barangay Poblacion ngayong ika-11 ng Disyembre.

Inaanyahan muli ang may mabubuting kalooban na mag-donate ng kanilang dugo upang magkaroon ng sapat na suppy ng dugo na magagamit sa oras na pangangailangan.
Ang mga nasabing blood donation activities ay inisyatibo ng Lokal na Pamahalaan ng bayan ng San Vicente, Palawan sa pangunguna ng Municipal Health Office at sa pakikipagtulungan ng Red Cross at mga lokal na pamahalaang barangay ng bayan.