san-vicente-palawan-bfp-and-mdrrmo-community-auxiliary-group

San Vicente, Palawan. Mago-organisa ng mga Community Fire Auxiliary Group (CFAG) ang San Vicente Fire Station katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng lokal na pamahalaan sa mga barangay upang mapalakas at epektibong pamahalaan ang mga insidente ng sunog.
Sa magkasamang pulong ng Incident Command System for Odette Operation at ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) for COVID-19 kahapon, Enero 13, inilatag ni SFO4 Gilmer T Avanceña ng San Vicente Fire Station ang planong pagbuo nito sa bawat barangay matapos ang insidente ng grass fire sa Bgy. Port Barton at kasalukuyang forest fire na nangyayari sa Sitio Boayan, Bgy. Poblacion.

san-vicente-palawan-bfp-and-mdrrmo-community-auxiliary-group

“Ngayong January nagbaba ng memorandum ulit ang Bureau of Fire Protection na sa category ng Alert Level 2 ay pwede na po tayo magtraining and seminar. Nag-usap kami ni Sir Choi [Estoya] ng MDRRMO [para sa isasagawang] joint seminar. Pipilitin namin na ngayong January ay maka-start na kami at maubos na ang buong barangay na mapuntahan namin to conduct and organize community fire auxiliary group,” saad ni SFO4 Avanceña.

san-vicente-palawan-bfp-and-mdrrmo-community-auxiliary-group

Magsisilbing first responder sa mga barangay ang ioorganisang auxiliary group na sasailalim sa pagsasanay patungkol sa pag-iwas at pamamaraan sa pag-apula ng sunog. Nakikita itong malaking tulong upang epektibong mapamahalaan at agarang maaksyunan ang sunon na maaaring mangyari sa malalayong barangay ng San Vicente.
“Tayo na rin sa mga barangay ang magsisita sa pagsusunog. Kadalasan pagdating ng hapon may nagsusunog na kaagad. So ‘yung fire management, ‘yun po ang mai-implement natin sa community na talagang bantayan ang pagsusunog,” paliwanag pa ni SFO4 Avanceña sa pulong na dinaluhan din ng mga Punong Barangay.
“Pagka-tapos na po ang training natin, mag-iiwan din po kami ng mga pamphlets at saka magbibigay kami ng ID. So, kayo po talaga ang magiging first responder. Nakita naman po natin ang sitwasyon natin dito sa San Vicente talagang napakalayo po ng mga barangay. As of now, nag-iisa pa rin po ang fire truck natin,” dagdag pa niya.
Kinakailangan na physically fit ang mga magiging miyembro ng CFAG. Ang mga opisyal ng barangay ay awtomatikong miyembro nito.
Plano ng dalawang ahensya na agarang simulan sa susunod na linggo ang pagbuo ng CFAG at pagbibigay ng pagsasanay dahil na rin sa mga naiuulat na sunog dulot ng pagkatuyo ng mga kabundukan pagkatapos ng pananalasa ng Bagyong Odette noong buwan ng Disyembre.

Hiningi rin ng hepe ng MDRRMO ang suporta ng mga Punong Barangay sa inisyatibong ito.
Aniya, nakatakda ring bumili ang lokal na pamahalaan ng mga firefighting equipment bilang suporta sa mga gawain ng Bureau of Fire Protection.
“Nakikiusap kami sa mga kapitan kasi ang problema sa sunog ay tuluy-tuloy po ngayon. Ang plano po namin ng BFP, immediate po next week magka-conduct na kami ng training for the fire auxiliary group tapos unti-untiin po namin ang equipment bilang support po ng MDRRMO sa cluster ng ating BFP. Susuportahan po natin ng mga gamit, ng mga fire fighting equipment. Magre-realign po kasi si mayor ng mga pondo namin na hindi pa naman talagang kailangan para mailipat sa mga kailangan natin ngayon katulad ng mini-fire truck, kung kailangan ng power spray na gasoline-operated at iba pang kailangang kagamitan,” ani MDRRM Officer Orlando C. Estoya.