san-vicente-palawan-mddrmo-joins-national-resilience-month

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang selebrasyon ng National Disaster Resilience Month sa bayan ng San Vicente sa pamamagitan ng isinagawang programa at motorcade ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 9.

Tampok sa motorcade ang mga sasakyang pag-aari ng Pamahalaang Bayan tulad ng mga rescue vehicles, speedboat at mga motorsiklo para sa pagtataguyod ng kahandaan at responde sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Nakibahagi sa programa ang mga responders ng MDRRMO, kawani ng Municipal Public Safety and Emergency Program (MPSEP), Bureau of Fire and Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP-MPS), Regional Mobile Force Battalion (RMFB), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Marines, Rescue 165 personnel, Municipal Health Office (MHO), SVNHS Student Disaster Risk Reduction Volunteers at mga opisyal at responder ng mga barangay.

Ayon sa MDRRMO, layon ng programa na maisulong ang kultura ng pag-iwas, kahandaan at pagiging matatag ng isang komunidad laban sa anumang kalamidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman at impormasyon patungkol sa tamang pamamahala nito.

Ang selebrasyon ay may temang “Tamang Pamamahala’t Kahandaan, Kaalaman at Pagtutulungan sa Sakuna at Pandemya’y Kalasag ng Bayan.”

Binigyang diin ni Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dangue sa kanyang mensahe ang mga programa at patakaran na ipinapatupad sa bayan ng San Vicente upang mapanatiling ligtas at matatag ang mga mamamayan sa banta ng COVID-19.

san-vicente-palawan-mddrmo-joins-national-resilience-month

“Naa-agwanta natin ‘yung panahon na mayroon tayong ECQ noong 2020 hanggang ngayon at patuloy nating ipinatutupad ang lahat ng mga patakaran na magpapanatili na ligtas ang mga mamamayan sa COVID-19.”

“Ang ginagawa ng ating pamahalaan ngayon lalo na ng Municipal Government ay i-intensify pa ang mga protocols na ito at maunawaan nang ganap ng mamamayang taga-San Vicente at ng mga taga-labas na dito sa San Vicente ay ayaw natin si COVID-19,” ani ng kinatawan ng DILG sa munisipyo.

Dagdag pa niya, ang pandemya ay maituturing ding kalamidad kaya nakatuon at binibigyang konsiderasyon sa pagdiriwang ang usaping COVID-19 prevention.

Aniya mahalaga ang pakikibahaging ito ng munisipyo sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month upang maipaalam sa mga mamamayan ang mga kaganapan at dapat na gawin upang “sila ay maging mahusay na tagapagsunod at kaagapay sa COVID prevention at sa iba pang calamity.”

Kaugnay nito, magsasagawa ang MDRRMO ng river de-clogging activity sa ika 21 hanggang 23 ng Hulyo. Ito ay isasagawa sa Bgy. New Agutaya at Bgy. San Isidro na madalas na nakararanas ng pagbaha dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan.

Ang pagdiriwang ng ay alinsunod sa Executive Order Number 29 s. 2017 na nagtatakda sa buwan ng Hulyo bilang National Disaster Resilience Month.