san-vicente-palawan-joins-national-childrens-month
BAYAN NG SAN VICENTE, NAKIKIISA SA PAGDIRIWANG NG NATIONAL CHILDREN’S MONTH AT WORLD CHILDREN’S DAY NGAYONG IKA-20 NG NOBYEMBRE.

Ngayong buwan ng Nobyembre, taong kasalukuyan, ay ipinagdiriwang ang ika-28 anibersaryo ng National Children’s Month (NCM) na may temang “Sama-samang Itaguyod ang Karapatan ng Bawat Bata sa Panahon ng Pandemya”.

Nilalayon nito na itaguyod ang proteksyon at karapatan ng lahat ng mga bata sa panahon ng isang krisis, tulad ng Covid-19 pandemya. Ang pagdiriwang ay pinangungunahan ng DSWD, National Youth Commission (NYC) at Council for the Welfare of Children (CWC).

Ang National Children’s Month ay dating ipinagdiriwang tuwing buwan ng Oktubre, ngunit nabago ito nang lagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino ang Republic Act 10661 at idineklara ang buwan ng Nobyembre bilang pambansang buwan ng mga bata.

Ayon sa CWC, ang pangunahing dahilan kaya inilipat sa buwan ng Nobyembre ang pagdiriwang ng NCM ay upang gunitain ang adoption of the Convention on the Rights of the Child (CRC) ng United Nations General Assembly noong Nobyembre 20, 1989 at maitaguyod ang kahalagahan nito sa kamalayan ng bawat Pilipino.

Ipinapanawagan naman ng lokal na pamahalaan sa mga magulang at nakatatanda na parati nating isaalang-alang at itataguyod ang kapakanan, kaligtasan at kinabukasan ng ating kabataan.