san vicente slammed by typhoon odette

San Vicente, Palawan. Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng San Vicente kahapon, Disyembre 21, matapos masalanta ng Bagyong Odette kamakailan.


Ito ay sa pamamagitan ng pag-apruba ng Sangguniang Bayan ng Resolution No. 2021-132 na magiging batayan ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa upang mapabilis ang rehabilitasyon at matulungan ang mga residente na makabangon sa dagok na idinulot ng pananalasa ng naturang bagyo.


Ang deklarasyon ng state of calamity ay magpapahintulot sa lokal na pamahalaan at sa mga pamahalaang barangay na magamit ang kani-kanilang Quick Response Fund (QRF).


Ipinasa na ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Sanggunian ang Supplemental Budget No. 14-2021 na nagkakahalaga ng P2 Milyon mula sa QRF para sa relief distribution sa mga apektadong pamilya ng nagdaang bagyo.


Nakatakda namang ipasa ang Supplemental Budget No. 13-2021 na may kabuuang halaga na P24.5 Milyon upang magamit sa mga programa tulad ng emergency shelter assistance, pagsasaayos ng water line ng Little Baguio Water System, pamamahagi ng food packs at pagkain, at pagsasaayos ng mga gusaling pag-aari ng lokal na pamahalaan.
“Hopefully we’ll get through this altogether… We can do it together. This too shall pass. We will rise again San Vicente,” ani Punong Ehekutibo sa pulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon.


Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang Barangay Poblacion at Port Barton dahil sa malawakang pinsala na natamo ng mga ito noong nagdaan ang bagyo.


Base sa resulta ng Rapid Data Asessment and Needs Analysis (RDANA), mayroong 3,820 bahay ang sinira ng Bagyong Odette sa 10 barangay habang 1,256 bahay ang binaha.


May isang naitalang casualty at 31 nasugatan dahil sa bagyo.


Napinsala rin ang iba pang gusali tulad ng simbahan, paaralan at iba pang establisyementong pag-aari ng pamahalaan. Nagdulot din ito ng pagkawala ng daloy ng tubig, kuryente at komunikasyon.


Tinatayang nasa P28 Milyon naman ang halaga ng mga napinsala sa sektor ng agrikultura kabilang ang priority crops, fruit bearing farms, fisheries, livestocks at farm structures.


Marami ring puno ang nabuwal at humarang sa mga kalsada.


Ayon sa Emergency Operations Center, nagpapatuloy ang mga aktibidad tulad ng pagsasaayos ng mga linya ng tubig, pagpapanumbalik ng mga poste ng kuryente at clearing operations.


Nagpapatuloy rin ang pamamahagi ng mga food packs at pagkain sa mga apektadong residente.