san-vicente-palawan-covid-19-tracker

COVID-free na ang bayan ng San Vicente ngayong araw, May 3, matapos gumaling ang isang indibidwal na tinamaan ng COVID-19.
Sa impormasyong ibinahagi ng Municipal Health Office, wala nang aktibong kaso ng COVID-19 ang munisipyo matapos mag negatibo sa antigen test ang lalaking residente ng Bgy. New Agutaya na naka-isolate sa Ligtas COVID facility ng Pamahalaang Bayan.
“[Sumailalim siya kanina sa] antigen test. Pang-14 days niya today. Nagnegative naman siya sa antigen – repeat antigen niya… And then ‘yung mga first degree contact niya – family niya – negative rin silang lahat so discharged na sila,” sabi ni Municipal Health Officer Mercy Grace S. Pablico.
Aniya, pinayuhan din ang naturang indibidwal na magsagawa ng pitong araw na home quarantine.
Samantala, nagnegatibo rin sa isinagawang confirmatory test ang tatlong naiulat na probable case noong araw ng Sabado, Mayo 1. Ang tatlong indibidwal ay kinabibilangan ng 24 taong gulang na babae mula sa Sitio Macatumbalen, 23 taong gulang na lalaki mula sa Little Baguio at ng 28 taong gulang na babae na residente ng Bgy. Alimanguan.
Ikinatuwa ng hepe ng Municipal Health Office ang pagbuti ng sitwasyon ng COVID-19 sa munisipyo.
“Nakakatuwa at saka nakaka-relieve dahil zero case na tayo. Wala na tayong new cases… Patuloy ang ating dalangin na sana wala na talagang sumunod at ma-contain talaga natin,” ani Dra. Pablico.
Malaking bagay umano ang pagsusumikap at ginagawang interbensyon ng Municipal Inter-Agency Task Force upang mapanatiling nakokontrol ang sitwasyon ng COVID-19 sa San Vicente. Epektibo rin ang ginawang paghihigpit sa pagbiyahe papasok at palabas ng munisipyo.
“Syempre of course sa effort talaga ng IATF. ‘Yung mga planning natin, ‘yung brainstorming… tsaka ‘yun nga ‘yung ating travel restriction kasi itong huling active case natin na-catch natin ‘yan because of the travel restriction na pinapatupad natin,” dagdag pa niya.
Bagaman wala nang aktibong kaso, patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na patuloy na sumunod sa itinakdang standard health protocols upang maiwasan ang pagkahawa ng COVID-19.
“Hangga’t maaari [ay] stay at home kung hindi rin naman ganoon ka-importante ang reason natin para lumabas. Iwasan pa rin ang mga gatherings and always practice ‘yung ating standard health protocols,” paalala pa ni Dra. Pablico.