san-vicente-palawan-banana-producers-at-sto-nino

Ipinagkaloob ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang mga kagamitan sa pagp-proseso ng mga produktong saging sa grupo ng mga kababaihan at banana producers sa Bgy. Sto. Niño, ika-22 ng Enero.

Ang mga kagamitan ay kinabibilangan ng juice extractor, banana chips frying machine, stand mixer, banana grinder, cap sealing machine, slicer, vacuum sealer, double burner at LPG tank.

Ilan pa sa mga tinanggap ng Sto. Niño Banana Producers Association at KALIPI-Sto. Niño ay mga kaldero, kawa, mixing bowls, egg mixers at iba pang kasangkapan na kanilang magagamit sa paggawa ng produktong banana chips at banana bread.

san-vicente-palawan-banana-producers-at-sto-nino

Ang pagkakaloob ng mga naturang kagamitan ay bahagi ng pagbibigay tulong ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pagbangon ng mga naapektuhang residente dulot ng pandemya.

Matatandaang noong Oktubre 2020 ay nagsagawa ng Banana Processing Training and Product Development ang Livelihood team na dinaluhan ng dalawang benepisyaryong asosasyon.

“Maliban doon sa pagprocess [ay] tinuruan din natin sila ng packaging and labelling. Kasama na iyon sa product development nila. Pati sa costing tinuruan din natin sila ng initial plan sa costing. Kasunod niyan ang monitoring natin,” saad ni Bb. Karen Andonga, community affairs officer I.

Aniya, lubhang naging apektado ang industriya ng saging sa naturang barangay simula nang tumamlay ang turismo.

“Halimbawa may sobra silang harvest na saging, [kung] dati ay naibebenta noong wala pang pandemic pero ngayon as in ang daming hindi na maibentang saging doon sa harvest nila. So iyon talaga ang ating intervention na instead na [maging] waste ay gagawin natin siyang product,” paliwanag ni Bb. Andonga.

san-vicente-palawan-banana-producers-at-sto-nino

Ang Bgy. Sto. Niño ay isa sa mga pinagkukunan ng suplay ng saging tulad ng lakatan at saba.

Dumalo sa turn-over ceremony para sa lokal na pamahalaan sina Program Manager Carlo A. Buitizon, GAD Focal Person Flora Mandolado, G. Honorio Alejano at ang Livelihood team. Nasa programa rin ang mga kinatawang opisyales ng Barangay at ng mga asosasyon.

Kasama sa programa ang pagtuturo sa mga benepisyaryo sa pagma-market ng kanilang produkto.

“Sa ngayon ang market nila dito lang muna sa atin sa local… Tinuturuan natin sila na makipag-usap sa mga businesses na malapit sa kanila, nearby barangays, tapos dito sa ating coop kahit papaano mag-introduce sila for introductory lang muna,” ani Andonga.

Ito ay paghahanda na rin umano ng mga asosasyon sakaling tumaas nang muli ang demand lalo sa turismo at maipakilala ang mga produktong tatak San Vicente.