Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay patungkol sa banana processing ang 15 magsasaka ng saging sa Bgy. Sto. Niño noong ika-2 hanggang ika-3 ng Disyembre.

Ito ay ipinagkaloob ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng lokal na pamahalaan ng San Vicente sa layuning mabigyang kasanayan ang mga miyembro ng Banana Processing Association sa paggawa ng banana bread at banana cake gamit ang mga sobrang produktong saging.

Ayon SA DTI, piniling ipagkaloob ang ganitong pagsasanay upang maiwasan na masayang o mabulok ang mga hindi naibebentang produktong saging.

[Nakapaloob sa training] ang pagbi-bake ng banana bread at banana cupcake. Sa isinagawa nating profiling, nagkaroon kami ng kaunting discussion, sabi nila mas madali raw maibenta ang cupcake gawa ng naibebenta lamang ito ng P10 to P15 lalo sa mga bata. Kaya ito ang naging target talaga ‘yung cupcake, which is nakikita ko na naging maayos naman ‘yung [kanilang training]. Nagsisimula na silang magmarket,” ani G. Hendrich A. Ronquilla ng DTI Negosyo Center.

Ipinagkaloob din ang mga kagamitan tulad ng oven at iba pang mga suplay upang matulungan ang asosasyon na makapagsimula sa kanilang kabuhayan.

Ayon sa presidente ng asosasyon, makatutulong sa kanila ang pagsasanay at mga kagamitang natanggap upang muling magkaroon ng pagkakakitaan.

“Ang masasabi ko po sa mga ibinigay na gamit sa amin ng DTI at ng LGU lalong lalo na kay Mayor Amy Alvarez, nagpapasalamat po kami dahil binigyan po kami ng napakalaking oven na gagamitin namin sa pagluluto at mga ingredients po,” pasasalamat ni G. Orlando L. Tadeja.

Kuwento pa niya, lubos na naapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil wala nang bumibili ng kanilang produkto simula nang magkaroon ng pandemya.

“Ito po ay makakatulong sa amin lalong lalo na po sa panahon ngayon ng pandemic dahil halos wala na pong buyer ng saging naming lakatan. Nasisira po, nabubulok po,” dagdag niya.

Pinasalamatan din niya ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Bgy. Sto. Niño at ng Sangguniang Bayan.

Dagdag pa ng DTI, sisikapin din nitong makapagbigay ng pagsasanay patungkol sa packaging at labelling sa susunod na taon upang mas mapagbuti pa ang produkto.