san-vicente-palawan-bamboo-processing-equipment

Ipinagkaloob ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang mga kagamitan sa pagp-proseso at paglikha ng iba’t ibang produkto mula sa kawayan sa dalawang asosasyon na binubuo ng kababaihan at katutubo sa Bgy. Alimanguan at Bgy. Port Barton.

Ang mga gamit-panimula ay tinanggap ng Samahang Inaasahan ng mga Katutubo sa Alimanguan, Palawan, Inc. (SIKAP) noong ika-15 ng Pebrero 2021 at ng Samahan ng Katutubong Tagbanua ng Itaytay, Port Barton (SAKATIPBA) noong ika-11 ng Pebrero 2021.

Ang mga kasangkapang ipinagkaloob ay kinabibilangan ng mga power tools gaya ng bench grinder, jig saw, drill press, laser engraver, scroll saw, angle grinder, hand drill at iba pa na kanilang magagamit sa pagyari ng mga produkto tulad ng bamboo straw, kutsara, tinidor, chop sticks, baso, tasa, tumbler at key chain.

san-vicente-palawan-bamboo-processing-equipment

Sa turn-over ceremony kahapon sa Bgy Alimanguan, hinikayat ni G. Honorio M. Alejano ng Office of the Mayor ang mga benepisyaryo na patuloy na mag-aral, magsipag at maging malikhain upang makagawa ng mga “magagandang produkto” na maaaring i-market.

“Basta maganda lang ang inyong mithiin ay nand’yan kami araw-araw [at] p’wede kaming sumuporta sa inyo,” sabi pa ni G. Alejano.

Bilin naman ni Municipal Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Reynaldo D. Rodriguez na pahalagahan ang mga ibinigay na kagamitan. Ani pa niya sa kapwa katutubo, “Konting sipag at aral sa proseso ng paggawa at makakamit natin ang ating minimithi.”

Sinabi ni Sangguniang Bayan Member Romulo Molo na buo ang suporta ng Pamahalaang Bayan sa mga programang pangkabuhayan lalong lalo sa pagpapahalaga sa sektor ng katutubo.

“Sana mapunta tayo sa pagnenegosyo at sana mapunta tayo sa pag-angat ng buhay. Ngayon pa lang kinu-congratulate ko na kayo, babaguhin natin ang sistema ng pamumuhay,” mensahe ni SB Molo sa mga benepisyaryong Tagbanua sa Bgy. Alimanguan.

Buo naman ang tiwala ni Barangay IPMR Villamor Flores sa talento at kakayahan ng kapwa mga katutubo pagdating sa paggawa ng mga produktong handicraft.

san-vicente-palawan-bamboo-processing-equipment

“Ito na ang magiging simula ng ating kabuhayan dahil alam ko naman na tayong mga katutubo ay may mga talento talaga tayo pagdating doon sa mga bagay na native materials. … Kung nakakagawa nga tayo noon na wala tayong kagamitan paano pa kaya ngayon na nandito [at] nasa harapan na natin ang mga kagamitang ito,” ani IPMR Flores.

Ang pagkakaloob ng mga kasangkapan ay bahagi ng mga interbensyong isinagawa ng Pamahalaang Bayan sa pamamagitan ng Mayor’s Office-Livelihood team at Gender and Development upang mapalakas ang kabuhayan at tulungang makabangon ang mga sektor na naapektuhan ng pandemya.

Noong buwan ng Oktubre 2020 ay sumailalim ang miyembro ng dalawang asosasyon sa pagsasanay na naglalayong madagdagan ang kanilang kakayahan sa “bamboo processing” at “product development.”