san-vicente-palawan-granular-lockdown-in-panindigan

Isasailalim sa granular lockdown ang ilang bahagi ng Purok Panindigan sa Barangay Poblacion simula sa araw ng Huwebes, Hunyo 17, dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Ang mga lugar na ideneklara ring critical zones sa pamamagitan ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) Resolution No. 06-03 ay ang Area 2, Area 4 at Area 5 ng Purok Panindigan.
Sa kasalukuyan ay mayroong 23 aktibong kaso ng COVID-19 ang naturang purok. Sa bilang na ito ay 13 ang mula sa tatlong lugar na ila-lockdown, ayon sa Municipal Health Office (MHO).
Ayon kay Municipal Health Officer Mercy Grace S. Pablico, kapansin-pansin ang mabilis na pagdami ng kaso ng sakit sa Purok Panindigan kung kaya nagpasya ang MIATF na higpitan pansamantala ang kilos at galaw ng mga tagarito.
“Nirecommend natin na i-lockdown ang ilang areas ng Panindigan dahil nga roon sa bilis ng pagdami ng cases nila. Tapos napansin natin na clustering [ang mga kaso], ibig sabihin per area – like for example sa isang family – walo kaagad sila,” ani Dra. Pablico.
Minabuti rin ng MIATF na agarang gawan ng interbensyon ang problemang ito upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 doon dahil na rin sa dikit-dikit na mga kabahayan.
“Based on previous experience natin sa Panindigan, since dikit-dikit o magkakalapit ang mga bahay, ‘pag may outbreak [ay] talagang tuloy-tuloy at mahirap makontrol,” paliwanag ni Dra. Pablico.
“Isa yung pagla-lockdown doon sa naisip nating strategy para ma-contain natin ang pagkalat ng COVID-infection,” dagdag pa niya.
Nakapagsagawa na ng active case finding ang MHO sa lugar noong araw ng Martes, Hunyo 15.
“Pumunta kami roon sa area kahapon at nag-conduct ng case investigation and then testing,” pahayag pa ng hepe ng MHO.
Iaaplay ang zoning containment strategy sa mga lugar na ini-lockdown kung saan itinalaga ang critical, containment, buffer at outside buffer zone.
Nakasaad sa resolusyon na ang galaw ng mga tao at iba pang aktibidad na nasa critical zone ay hihigpitan na kaparehas ng regulasyong ipinapatupad sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nagtalaga na rin ng Incident Management Team upang pamahalaan ang pagpapatupad ng granular lockdown doon.
Ang granular lockdown ay magtatagal hanggang sa Hulyo 01, araw ng Huwebes.