bagyong odette slams gymnasium

San Vicente, Palawan. Nag-iwan ng malawakang pinsala ang Bagyong Odette sa bayan ng San Vicente matapos nitong manalasa noong araw ng Biyernes, Disyembre 17, kung saan nasira ang iba’t ibang pampubliko at pribadong gusali tulad ng mga paaralan, simbahan, at bahay ng mga residente.


Ayon sa ulat ng Emergency Operations Center (EOC), nasa 797 bilang ng pamilya o 2,870 na indibidwal ang inilikas mula sa mga barangay patungo sa mga malalapit na evacuation centers upang maiwasan ang anumang insidente dahil sa paghagupit ng naturang bagyo na naglagay sa buong bayan sa ilalim ng Tropical Cyclone Warning Signal No. 3.


Ilang residente naman ang matagumpay na nasakluluhan ng mga responders at rescuers ng Incident Management Team (IMT) na magdamag na nakaalerto noong kasagsagan ng bagyo.


Nagdulot din ito ng pagkawala ng suplay ng tubig dahil sa mga nasirang tubo at pagkasira ng linya ng kuryente dahil naman sa mga natumbang poste dulot ng malakas na hangin.
Apektado rin ang linya ng komunikasyon sa buong bayan.


Ayon pa sa EOC, naibalik na noong araw ng Linggo, Disyembre 19, ang suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Barangay Poblacion matapos matanggal ang mga duming naipon sa encatchment area ng Block 6.


Kasalukuyan namang inaayos ang mga nasirang tubo, encatchment area at filtration gallery ng water system facility na nagsusuplay ng tubig sa mga barangay ng New Agutaya, San Isidro at sa natitirang bahagi ng Poblacion na wala pang tubig. Nagtalaga na ng karagdagang manpower at mga kagamitan upang mapabilis ang clearing operations at iba pang interbensyon dito.


Nagsagawa rin ng pagrarasyon ng tubig sa mga barangay ng New Agutaya at Poblacion sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection.


Ayon naman sa Humanitarian Cluster ng Incident Command System (ICS), nagpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong pamilya at pamamahagi ng pagkain sa mga naiwang evacuees. Sa huling datos, 34 na pamilya ang kasalukuyang nananatili pa rin sa mga evacuation centers.


Nagpapatuloy rin ang clearing operations ng mga miyembro ng Task Group 1 (Security, Lifeline, SRR) ng ICS katuwang ang mga barangay at ilang residente upang matanggal ang mga natumbang puno sa mga pangunahing lansangan.
Isinasaayos na rin ang mga poste at linya ng kuryente. Nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa power source upang maibalik na ang suplay ng kuryente sa mga siniserbisyuhang barangay ng PALECO.


Samantala, isinasapinal na rin ang Rapid Data Assessment and Needs Analysis (RDANA) kung saan matutukoy ang kabuuang pinsala ng bagyo sa iba’t ibang sektor tulad ng imprastraktura, agrikultura, kalusugan at iba pa.


Agaran namang pinulong ni Mayor Amy Roa Alvarez ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) noong araw ng Sabado, Disyembre 18, upang matasa ang sitwasyon ng bayan pagkatapos ng bagyo at makapagdeklara ng state of calamity para sa pagpapabilis ng tulong sa mga nasalanta at rehabilitasyon.