san-vicente-palawan-rescue-vehicle-turn-over-ceremony-at-bgy-sto-nino

Inaasahan na mas mapapabilis na ang aksyon at pagreresponde sa mga sitwasyong emergency sa Bgy. Sto. Niño matapos isalin ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang paggamit at pangangalaga sa bagong rescue vehicle para sa naturang barangay, Abril 29.
Kung dati ay gumagamit lamang umano sila ng motorsiklo o top-down, ngayon ay mayroon na silang rescue vehicle na magagamit sa tuwing maghahatid patungo sa bayan ng mga residenteng nangangailangan ng atensyong medikal, ayon sa Punong Barangay.
“Labis po akong nagpapasalamat sa [pagturn-over ng] inaaasam-asam [na sasakyan] ng mga barangay officials dito sa Sto. Nino… Ang sasakyan na ito ay malaking tulong para makatulong sa aming barangay kung saka-sakaling kami ay magkaroon ng problema,” ani Punong Barangay Victorio E. Oncepido.

“Noong una na wala pa kaming sasakyang ganito napakahirap sa amin kung magkaroon kami ng emergency na kakailanganing itakbo papuntang San Vicente, mahirap talaga. Tiis kami sa motor o either yung top-down,” kuwento pa niya.
Nakapaloob sa nilagdaang usufruct agreement sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente at Pamahalaang Barangay ng Sto. Niño na gagamitin ang sasakyan sa pagtataguyod ng kaligtasan ng publiko, pagresponde sa mga sitwasyong emergency, sakuna at rescue operations.

Pinangunahan ni Mayor Amy R. Alvarez ang pag-abot ng susi ng sasakyan sa naturang barangay. Sa kanyang mesahe ay pinasalamatan niya ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pag-apruba ng pondo upang makabili ng naturang mga sasakyan.
“Finally, nandito na. Importante itong mga sasakyan para sa emergency response ng barangay Sto. Niño at iba pang mga barangay dito sa San Vicente,” sabi ni Mayor Alvarez sa dayalektong bisaya.

Ayon naman kay SB Member Romulo B. Molo, buo ang suporta ng Sangguniang Bayan sa mga programang itinataguyod ng alkalde.
Hiniling din niya sa pamunuan ng barangay na ingatan ang rescue vehicle.
Nakasaad sa usufruct agreement na ang maintenance at ang drayber ng sasakyan ay tungkulin ng Pamahalaang Bayan samantalang ang pangangailangan sa fuel ay nakatalaga sa Pamahalaang Barangay.
Dumalo sa turn-over ceremony sina Municipal Local Government Operations Officer Rustico Dangue, SB Maria Carmen L. Silagan, SB Ramir R. Pablico, Sr., SB Lilibeth B. Uapal-Osorio, SB Antonio E. Rabina, Jr. at Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Orlando C. Estoya.
Noong Martes, Abril 27, ay tinanggap ng Bgy. Binga ang kaparehas na rescue vehicle.