Bilang pagtalima sa kautusan ng Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF), inialis na bilang requirement ang resulta ng rapid antigen test para sa umuuwing residente ng bayan ng San Vicente na epektibo sa araw ng Sabado, Hulyo 31.

Sa inilabas na bagong panuntunan, ang requirements na lamang para sa inbound resident ay health clearance mula sa Barangay Health Center ng barangay na pinagmulan, identification (ID) card, aprubadong travel pass at ang pagtatala ng pangalan sa manipesto.

Hindi na rin kinakailangan pa ng antigen test ng mga fully-vaccinated na mga turista at Authorize Persons Outside Resindece (APOR) na mula lamang sa ibang bahagi ng lalawigan ng Palawan.

Nananatili namang requirement ang negatibong resulta ng RT-PCR test para sa mga turista at APOR na magmumula sa labas ng lalawigan. Gayundin sa mga Locally Stranded Individuals (LSI) at Returning OFWs. Dapat din na sila ay rehistrado sa S-pass.

Kinakailangan din ng koordinasyon ng mga turista sa Municipal Tourism Office o Emergency Operations Center para sa monitoring at dapat ay may patunay ng kanilang booking o registration sa mga DOT-accredited at TIEZA licensed accommodation o di kaya’y sa mga tourism accommodation na safety seal certified. Kailangan din nilang mag-fill-out ng health declaration form at responsible visitor’s pledge sa sanvicentepalawan.gov.ph/tourism.

Hahanapan din ng return ticket ang mga turista mula sa labas ng Palawan.

Mandatory ang pitong araw na facility-based quarantine para sa mga LSI at Returning OFWs gayundin sa mga APOR na mananatili ng higit sa pitong araw sa munisipyo.

Ang mga APOR ay dapat na may maipakitang aprubadong travel o mission order mula sa pinapasukang kompanya o opisina.

Ang mga naghahatid ng essential goods kabilang ang mga online shopping delivery ay kinakailangang kumuha ng pass slip mula sa MEEDO na nagpapahintulot ng kanilang pagpasok at paglabas sa San Vicente. Kinakailangan din nila ng antigen test kung hindi pa fully-vaccinated.

Buwan ng Hunyo nang ipalabas ng PIATF ang Resolution No. 007, s. 2021 na nagpapahintulot lamang ng “No antigen, no entry” requirement sa mga munisipyo na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.