Magagamit na ng mga residente ng Sitio Candamia ang apat na pampublikong palikuran na ipinagawa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente matapos itong pormal na ipagkaloob sa kanila noong araw ng Biyernes, Hulyo 16.

Dumalo sa ginanap na turn-over ceremony ang mga kinatawan ng Mayor’s Office – Livelihood Team, Municipal Agriculture Office at mga opisyal ng naturang sitio sa pangunguna ni Sitio Chairman Silvestra Castro.

Ang proyekto ay itinayo bilang tugon sa kakulangan ng palikurang magagamit sa naturang isla na nasasakupan ng Bgy. Caruray.

Nagbayanihan ang mga katutubong residente roon upang mabilis na matapos ang proyekto na ipinatayo sa tatlong magkakahiwalay na lugar.

Ito ay pinondohan sa ilalim ng Gender and Development (GAD) – Support to IP Activities na nagkakahalaga ng P67, 200.

“Sa inisyatibo ni Mayor Amy Roa Alvarez, may desente at maayos na CR nang magagamit ang mga taga-sitio Candamia. Malaking tulong ito sa pagtataguyod ng Pamahalaang Bayan sa kalinisan, kalusugan at proper waste disposal sa mga komunidad,” ani Bb. Karen Andonga ng M.O. Livelihood Team. 

Malugod na tinanggap ng mga katutubong Tagbanua at Cuyunon na naninirahan sa Sitio Candamia ang proyekto. Nagtalaga na rin ng grupo na mamamahala sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa pasilidad.

“’Makikita mo yung pananabik nila sa proyektong ito dahil matagal na nilang gusto na magkaroon ng CR, ‘yun nga lang dahil sa kakulangan din sa panggastos ay hindi sila nakakapagpagawa,” dagdag pa ni Andonga.

Tinatayang mayroong 35 kabahayan ang direktang makikinabang sa proyekto.

###