san-vicente-palawan-miatf-antigen-tests-requirement

Ipapatupad ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) against COVID-19 hanggang sa ika-30 ng Hulyo ang pag-require ng negatibong resulta ng rapid antigen test para sa mga umuuwing residente ng bayan ng San Vicente.

Ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon ang munisipyo na mapababa muna ang kasalukuyang bilang ng kaso ng COVID-19 at makapaghanda sa mga dapat na gawin sa oras na tuluyan nang alisin ang antigen test bilang pangunahing requirement ng mga inbound residents.

Batay sa pinakahuling datos ng Municipal Health Office noong Hulyo 4, mayroong 65 aktibong kaso ang bayan ng San Vicente.

Ang desisyon ay nabuo matapos talakayin ang Provincial-IATF Resolution No. 007 s. 2021 sa virtual na pulong ng MIATF noong araw ng Lunes, Hulyo 5.

Naging mahalagang bahagi ng epektibong pamamahala ng sitwasyon ng COVID-19 sa munisipyo ang implementasyon ng MIATF Resolution No. 06-02 s. 2021 na nagtatakda ng antigen test requirement para sa mga uuwing residente na namalagi ng isang gabi o higit pa sa labas ng San Vicente.

Nakatulong din ang preventive measure na ito upang malimitahan lamang sa mahahalagang transaksyon ang dahilan ng pagbiyahe ng isang indibidwal alinsunod na rin sa pagpapatupad ng Modified General Community Quarantine sa munisipyo.

Samantala, mayroon nang inilagak na antigen test kits ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa Provincial Health Office upang malibre ang mga uuwi at kwalipikadong residente mula sa lungsod at Timog Palawan. Kinakailangan lamang nilang makipag-ugnayan sa Emergency Operations Center ng San Vicente sa mga numerong COVID Hotline: 09177758805, 0998-956-7552 at 0933-360-7715.

Maaari namang magpa-antigen test sa Barangay Health Stations ng pupuntahang barangay ang mga uuwing residente mula sa mga munisipyo sa bahaging Norte ng Palawan.

Ang MIATF Resolution No. 07-01 s. 2021 ang nagtatakda kung kwalipikado sa libreng antigen test ang isang residente na may mahalagang transaksyon sa labas ng munisipyo.