Sa Memorandum No. 2021-09-002 na inilabas ng Mayor’s Office, ipinag-uutos nito sa lahat ng tanggapan ng lokal na pamahalaang bayan ang pagpapatupad ng “Skeletal Workforce” o ang pagbabawas ng mga empleyadong papasok sa opisina bilang bahagi ng estratehiya sa pag-iwas o pagpigil sa paglaganap ng nakahahawang COVID-19.

Sa kabila nito ay sinisiguro ng Lokal na Pamahalaan na hindi maaantala at patuloy pa rin ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at mahahalagang tungkulin ng iba’t ibang tanggapan nito.

Ang kautusan na inilabas noong ika-29 ng Setyembre ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan na kinabibilangan din ng ilang mga kawani ng munisipyo.

Ayon sa tala ng RHU, patuloy ang pagtaas ng aktibong kaso sa bayan na umabot na sa 96 nitong lunes, ika-4 ng Oktubre. Matatandaang nagsagawa na kamakailan lang ang Municipal Health Office(MHO) ng disinfection activity sa mga opisina ng Municipal Government Center at mandatory antigen testing para sa mga kawani upang masigurong ligtas ang pagsasagawa ng transaksyon sa mga kliyente nito.

Ang Skeletal Workforce ay isang uri ng alternative work arrangement na iminungkahi ng Civil Service Commission base sa Memorandum Circular No. 10, s.2020 o ang “Revised Interim Guidelines for Alternative Work Arrangements and Support Mechanisms for Workers in the Government during the period of State of National Emergency Due to COVID-19 Pandemic,” kung saan limitadong bilang ng mga empleyado lamang ang papasok sa opisina at ang iba ay patuloy na magta-trabaho sa kani-kanilang mga tahanan o “work from home”.