san-vicente-palawan-pantawid-pamilyang-pilipino-program

Nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang 88 benepisyaryo ng programa sa munisipyo ng San Vicente noong araw ng Martes, Hunyo 22.
Ang seremonya ng pagtatapos na dinaluhan ng 26 na benepisyaryo ay ginanap sa Municipal Gymnasium ng Barangay Poblacion. Ito ay may temang “Paglalakbay tungo sa Tagumpay, sama-samang Pagsulong tungo sa Matatag na Kinabukasan.”
Ayon kay G. Gerald Gray C. Bediores, provincial link ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – MIMAROPA, ang pagtatapos ng mga pamilyang benepisyaryo ay patunay na matagumpay ang programang 4Ps at nangangahulugan lamang na marami sa mga ito ang umangat na ang antas ng pamumuhay.
“Ang DSWD po sa pamamagitan ng Pantawid Pamilya Pilipino Program ay naniniwala na kaya niyo na po. Doon po sa ilang taon na ibinahagi ng gobyerno sa atin, naniniwala po kami na kaya na po ninyo na tumayo sa sarili ninyong mga paa,” bahagi ng pananalita ni G. Bediores sa isinagawang seremonya.
Bilang kinatawan ng Pamahalaang Bayan, malugod na tinanggap ni Municipal Social Welfare and Development Officer Jennilyn C. Laro ang pagtatapos ng mga pantawid beneficiaries. Saad niya, malaki ang naitulong ng programa sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga miyembro nito sa San Vicente.
Aniya, dahil sa 4Ps ay naiangat ang antas ng pamumuhay ng mga pamilya mula sa survival level patungo sa pagiging self-sufficient o may kakayahan nang tugunan ang mga pangangailangan.
“Based doon sa report ng Pantawid, sa 88 [na nagsipagtapos], mayroon pong 70 ang nasa second level at 18 ang nasa level 3 na [ang antas ng pamumuhay]… Nandito lang po ang LGU para tumulong sa inyo para po kayo ay umunlad pa,” ani MSWD Officer Laro.


Si Gng. Luz Monticalvo ay isa sa matagumpay na natulungan ng programa. Kuwento niya, tatlo sa kanyang mga anak ang nakapagtapos na ng kolehiyo dahil sa programang ito ng pamahalaang nasyunal.
“[Kami po ay nabibilang] sa mahirap na mamamayan. Nakamit ko po ang pagpapaaral sa aking mga anak sa tulong po ng programang 4Ps. Kung hindi siguro dahil sa programang 4Ps hindi ako nakapagpatapos ng tatlo kong mga anak dahil isa lang po kaming mahirap na manlalambat sa Sitio Pulang Bato,” pagbabahagi ni Gng. Monticalvo ng Bgy. Poblacion.
“Kaya laking pasasalamat ko po na naging miyembro ako ng 4Ps na nakapagtapos ako ng isang pulis, isang fisheries at isang social work,” dagdag pa niya.
Ang mga nagsipagtapos na benepisyaryo ay tumanggap ng sertipiko at gift certificate mula kay Mayor Amy R. Alvarez.
Dumalo rin sa gawain ang ilan sa mga hepe ng opisina ng Pamahalaang Bayan.
Ang 4Ps ay isang programang itinataguyod ng DSWD na nagbibigay ng conditional cash grants sa mga mahihirap na pamilya upang mapaunlad ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga batang may edad 0-18. Ang implementasyon ng programang ito ay patuloy na sinusuportahan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.
Sa kasalukuyan ay mayroong 2,426 benepisyaryo ang nasa ilalim ng programa sa munisipyo ng San Vicente.