Umabot sa 82 blood units ang matagumpay na nakolekta ng Municipal Health Office (MHO) sa ginanap na bloodletting activity sa Barangay Alimanguan bayan ng San Vicente ngayong araw ng Biyernes, Setyembre 24.

Nakibahagi sa aktibidad ang mga uniformed personnel, guro, kawani ng lokal na pamahalaan, at iba pa.

Ayon kay Assistant Municipal Health Officer Bonifacio Estorninos, regular na programa ng MHO ang pagsasagawa ng bloodletting activity katuwang ang Philippine Red Cross (PRC).

“Dapat po kasi nasa one percent ng total population natin ay makapag-donate. ‘Yun ‘yung parang target natin yearly. Syempre dahil nga po sa Palawan, isa rin sa mga probinsya na medyo mababa ang blood donations natin, so, kaya hinihikayat natin ang mga tao kada municipality na makapag-donate,” ayon kay Dr. Estorninos.

Aniya, ito ang pangatlong bloodletting activity na kanilang naisagawa ngayong taon. Noong taong 2020 ay buwan-buwan nila itong naisasagawa kung saan naabot nila ang kanilang target.

Dagdag pa niya, ang isang blood donor ay prayoridad na makakukuha ng dugo mula sa PRC sakaling kailanganin nito o ng kamag-anak o kaibigan.

“Halimbawa po na may relative sila na na-admit sa ospital or may kakilala sila o kaibigan… pwede nila pong ipahiram ‘yun pong blood na dinonate nila. Basta ipakita lang po nila ang card nila,” ani Dr. Estorninos.

Masusi ring isinasailalim sa screening ang bawat blood donor bilang pag-iingat ngayong may pandemya.

Ayon kay Bb. Maricel Danque, medical technologist ng PRC, isa ang San Vicente sa mga active partners nila pagdating sa blood donation.

“Ang LGU San Vicente ay isa sa mga active partners natin sa blood donation. Kumbaga no’ng nakaraan [taon] monthly po si Doktora [Mercy Grace Pablico] nagpapa-schedule sa amin per barangay po ‘yun. Ang response naman po ay maganda. Nakaka-collect po tayo ng above 50 units,” pagbabahagi ng medtech ng PRC.

“Ang mga dugo naman na ito ay para rin sa constituents ng San Vicente and ibang taga-Palawan na nangangailangan ng blood. So ‘pag may time po na taga-San Vicente na mangailangan ng dugo, tumatawag po ang RHU sa amin na kung baga ay ipriority kasi isa sa mga active partners natin si San Vicente,” dagdag pa niya.