san-vicente-palawan-vaccine

Mayroong kabuuang 650 indibidwal mula sa bayan ng San Vicente ang tumanggap na ng ikalawang dose ng bakuna kontra COVID-19, ayon sa Municipal Health Office.
Ito ay katumbas ng kabuuang 1,300 vaccine doses na naibigay sa mga prayoridad na populasyon sa munisipyo simula noong buwan ng Marso.
“We have a total of 1,300 doses na po given. Two doses na po ito. Bale 650 katao ang nabigyan na po ng ating covid vaccine,” pag-uulat ni Municipal Health Officer Mercy Grace S. Pablico sa pagpupulong ng Municipal Inter-Agency Task Force for COVID-19.
Ayon sa kanya, may kabuuang 1,000 doses ng astrazeneca vaccine at 300 doses ng sinovac vaccine ang nagamit sa isinasagawang vaccination roll-out sa munisipyo.
Ang mga nabakunahan ay nabibilang sa A1 hanggang A3 priority group.
Ayon kay Dra. Pablico, makakapag-develop ng proteksyon ang katawan ng mga indibidwal na tumanggap ng ikalawang dose ng bakuna makalipas ang dalawang linggo.
“Two weeks after ng second dose nila ay makaka-develop na sila ng immunity,” ani Dra. Pablico.
“[Ito ay] added layer of protection. Pero huwag pa rin kampante dahil hindi naman sinasabing hindi ka na tatablan. P’wede ka pa rin magkaroon [ng COVID-19] but then ‘yung risk na magkaroon ka ng severe case ay lesser siya compare sa wala talagang protection,” dagdag pa niya.
Magpapatuloy ang pagbabakuna para sa unang dose ng mga nasa prayoridad sakaling magkaroon nang muli ng suplay na magmumula sa Provincial Health Office.
Patuloy na pinaaalalahanan ang lahat na gawin ang mga pag-iingat upang maiwasan na mahawa ng naturang sakit tulad ng pagsusuot ng face mask, pagpapanatili ng distansya sa bawat isa at ang palagiang paghuhugas o pagsanitize ng kamay.