
Magpapakitang gilas ang nasa 60 surfers mula sa iba’t ibang bahagi ng Palawan sa 2nd San Vic Surf Competition Invitational na gaganapin sa Bgy. Alimanguan sa darating na ika-15 hanggang ika-18 ng Pebrero 2021.
Ang mga kalahok ay magtatagisan sa kategoryang men’s shortboard division, junior’s shortboard division, women’s longboard division at men’s 9ft. single fin-longboard division.
Ang taunang aktibidad ay magkatuwang na itinataguyod ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente, Mayor Amy Alvarez at San Vic Surf Camp.
Sa isinagawang pagpupulong kanina, ika-9 ng Pebrero, bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na aktibidad, napag-alaman kay G. Carlo A. Buitizon ng Office of the Mayor na lilimitahan lamang sa 150 indibidwal ang maaaring papasukin sa venue.
“Magkakaroon po tayo ng isang entrance at isang exit lang para ma-monitor lahat ng tao na naroon sa loob ng venue natin,” ani G. Buitizon.
Dagdag pa niya, mahigpit na ipapatupad ang pagsunod sa minimum health protocols dahil na rin sa pandemya.
Napag-alaman din na kinakailangang sumailalim sa antigen testing ang lahat ng kalahok at ang mga nagnanais manood na magmumula pa sa ibang munisipyo.
Magkakaroon din ng certification training sa unang araw at coastal clean-up sa ikatlong araw ng taunang aktibidad.
Ani G. Buitizon, mayroon nang pahintulot ang aktibidad mula sa Municipal Inter-agency Task Force (MIATF) nang magpulong ito noong ika-4 ng Pebrero.