
Mayroong 4,000 pamilya sa sampung barangay ang benepisyaryo ng isinagawang food for work program ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.
Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), kapalit ng sampung kilong bigas na iniaabot sa isang miyembro ng pamilya ay ang paglalaan naman ng mga ito ng oras para gumawa ng serbisyo sa komunidad tulad ng paglilinis sa paligid, kalsada, paaralan, baybayin, pagkokolekta at paghihiwalay ng mga basura, at iba pang gawain.
Ang bigas na tinanggap ng mga benepisyaryo ay mula sa rice preposition ng opisina noong nagdaang taon na nakalaan sakaling magkaroon ng kalamidad.
“Ito po ay rice preposition natin noong year 2020…. Magsi-six months na siya ngayong 2021 kaya ipinag-food for work na po natin,” ani Bb. Renea B. Jabagat ng MSWDO.

Aniya, naiabot na sa mga benepisyaryo ang mga rice packs sa mga barangay ng San Isidro (250 rice packs), Alimanguan (300), Kemdeng (300), Poblacion(500), Binga (300), New Canipo (300), Port Barton (750) at Caruray (500).
Kasalukuyan namang nagpapatuloy ang programa sa barangay New Agutaya na may nakalaan na 500 rice packs at Sto. Niño na may 300 rice packs.
Dagdag pa niya, katuwang ng kanilang opisina ang mga pamahalaang barangay upang makilala o matukoy ang mga pamilya na nangangailangan.
Ang pamamahagi ng naturang mga rice packs ay nagsimula noong Abril 14.