Benepisyaryo ng programang TUPAD o Tulong Pangkabuhayan sa ating Disadvantaged/Displaced Workers ang 267 residente ng Barangay Port Barton bayan ng San Vicente.

Dumalo ang mga ito sa isinagawang TUPAD orientation ngayong araw ng Miyerkules, Setyembre 29, sa Gymnasium ng barangay.

Ang programang TUPAD na nasa ilalim ng Department of Labor and Employment ay naglalayong makapagbigay ng emergency employment sa mga displaced workers, underemployed at seasonal workers.

Ang mga benepisyaryo ay magbibigay serbisyo sa komunidad sa loob ng sampung (10) araw. Tatanggap ang mga ito ng kabuuang bayad na P3,200 o katumbas ng P320 kada araw batay sa minimum wage na umiiral sa rehiyong MIMAROPA.

Ang pagpapatupad ng programang ito sa Bgy. Port Barton ay suportado ng Ang Probinsyano Partylist. Ito ay naging bunga ng koordinasyon ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez. Katuwang rin sa programa ang Pamahalaang Barangay ng Port Barton.

“Gusto ko lang pasalamatan si Congressman Ronnie Ong kasi siya ay nag-share talaga ng pondo para sa ating mga displaced workers sa Port Barton… Kasi sa time ng pandemya na ito kailangan talaga… humingi rin ako sa iba’t ibang ahensya sa national para lang ma[tulungan] ang ating mga displaced workers dito sa San Vicente,” ani Mayor Alvarez.

Personal ding dumalo rito si Congressman Ronnie L. Ong ng Ang Probinsyano Partylist. Aniya, batid niya ang hirap ng sitwasyon na dinaranas sa kasalukuyan dahil apektado ng pandemya ang industriya ng turismo.

“Sana po kahit papaano itong TUPAD [ay] makatulong po kami sa inyo dahil alam po namin ang hirap ng buhay ngayon dahil may pandemya,” saad pa ni Cong. Ong.

Isa sa mga benepisyaryo si Bb. Marjury Regalario na nagmamay-ari ng maliit na restawran sa kanilang barangay.

“Sobra pong malaking epekto para sa aming mga may-ari at manggagawa ng mga ganitong negosyo dahil kami po ay nabubuhay sa tourism industry… Ito pong programang TUPAD ay isang napakalaking bagay para sa aming lahat,” ani Regalario.

Tinanggap din ng mga benepisyaryo ang mga Personal Protective Equipment (PPE) na kanilang gagamitin sa pagtatrabaho tulad ng t-shirt, sombrero, facemasks, at face shield.

Ang TUPAD orientation ay hinati sa dalawang batch upang maipatupad ang physical distancing.