Nagtapos ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 30, ang 26 na katutubong residente ng Bgy. Kemdeng na sumailalim sa pagsasanay patungkol sa Organic Agriculture Production NC II na pinangunahan ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).

Ang pagsasanay ay kaugnay ng pagtataguyod ng Sustainable Agriculture for Kemdeng/Villa Fria Enterprise o SAVE Project ng Provincial Reduction and Livelihood Employment Cluster (PRLEC) sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Layunin ng naturang pagsasanay na linangin pa ang kasanayan ng mga benepisyaryong katutubo sa sustinable at organikong pamamaraan ng pagsasaka.

Dumalo sa pagtatapos sina Sangguniang Bayan Member Ramir R. Pablico, Sr., SB Antonio E. Rabina, Jr., SB Maria Carmen L. Silagan, SB Lilibeth B. Uapal-Osorio, mga opisyal ng Pamahalaang Barangay ng Kemdeng sa pangunguna ni Punong Barangay Daniel G. Latube at mga kinatawan mula sa TESDA.

Tumanggap din ng ilang special awards ang mga nagsanay na residente leadership award, academic achiever award at core value award.

Matatandaan na inilunsad ang SAVE project sa Bgy. Kemdeng noong buwan ng Mayo. Kabilang ito sa mga programa ng PRLEC na naglalayong tugunan ang kahirapan at kabuhayan ng mga residente sa komunidad. Isa rin sa tinutugunan ng programa ang seguridad sa pagkain. 

Ang naturang pagsasanay sa agrikultura ay isang panimulang hakbang sa pagsasakatuparan ng “village enterprise” kung saan ay magkakaroon ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan at trabaho ang mga benepisyaryo nito.

Sa naturang paglulunsad ay pinasalamatan ni Mayor Amy Roa Alvarez ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa suportang ibinibigay nito sa bayan ng San Vicente. Aniya, kapaki-pakinabang ang mga programang ito upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga tagaroon.

Ang PRLEC ay isang cluster sa ilalim ng PTF-ELCAC.

###