san-vicente-palawan-shielded-metal-arc-welding-graduation

Nagtapos ang 25 kabataan ng San Vicente sa pagsasanay sa shielded metal arc welding (SMAW) kahapon, ika-1 ng Pebrero 2021, na itinaguyod ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) katuwang ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Dalawampu’t tatlo (23) sa mga nagsipagtapos ang tumanggap ng national certificate (NC) II at ang dalawa naman ay nabibilang sa NC I.

Sa mensaheng ipinaabot ni Mayor Amy Alvarez, hinikayat niya ang mga nagsipagtapos na gamitin ang mga natutunang kasanayan sa tama upang makatulong sa kapwa.

“Ang hiling lang ni Mayor Amy … kung paano kayo tinulungan ng gobyerno, gamitin ninyo ang skills ninyo para makatulong sa sarili ninyo at makatulong din doon sa ating mga kasamahan sa barangay, kababayan bilang ganti natin sa ginawang tulong sa atin ng pamahalaan,” ani G. Carlo Buitizon, executive assistant.

Dagdag pa niya, ang mga nagsipagtapos ang siyang aasahan ng bayan ng San Vicente pagdating sa larangan ng welding.

“Isang well-trained na taga-San Vicente pagdating sa welding… Iba na kayo, kayo ‘yung better version kung sino kayo kahapon,” pagmamalaki ni G. Buitizon sa bagong kasanayang natutunan ng mga ito.

Hinikayat din ni G. Honorio M. Alejano, private secretary to the mayor, ang mga nagsipagtapos na magsumikap at maging matiyaga sa pag-antabay ng mga oportunidad. Aniya ilan sa mga bansang naghahanap ng mga skilled workers katulad ng welder ay ang Korea at Japan.

“Maraming employment agencies diyan na naghahanap ng mga may abilidad na katulad ng tinapos ninyo. Hindi basta-basta iyan,” ani Alejano.

Kumpyansa naman si SK Federation President Mark Anthony Tabangay na hindi masasayang ang mga kasanayang ibinigay sa 25 TESDA trainees dahil kanila itong magagamit upang makapaghanap ng trabaho at mapagkakakitaan.

“Ito ay isa sa mga social investment ng ating local government unit. Investment kasi po rito natin tinataya ang ating mga resources dahil alam natin na mayroon tayong return of investment,” saad niya sa mga kapwa kabataan.

Dumalo rin sa seremonya ng pagtatapos si Sangguniang Bayan Member Lilibeth U. Osorio kung saan tinuran niya na sa pamamagitan ng ibinigay na oportunidad sa mga kabataan na makapag-aral ng SMAW ay “makasasabay [ang mga ito] sa pag-angat ng ekonomiya at makakatulong kayo ng malaki sa ating bayan at sa inyong pamilya.”

Nagkaroon din ng panunumpa ng mga naihalal na opisyales ng kanilang klase kung saan naihalal si G. Juan M. Dandal bilang presidente. Pinasalamatan niya ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente at TESDA sa ibinigay na oportunidad na makapag-aral.