san-vicente-palawan-shelter-assistance-for-typhoon-odette-victims

Nakatanggap na ng P5,000 shelter assistance mula sa lokal na pamahalaan ng San Vicente ang nasa 2,198 bilang ng mga pamilya na nawalan o napinsala ang tirahan dahil sa pananalasa ng bagyong Odette noong buwan ng Disyembre.
Ang mga napagkalooban na ng naturang tulong pinansyal ay mula sa mga barangay ng Poblacion, San Isidro, Kemdeng, Sto. NiƱo at Alimanguan.

Ngayong araw naman ang pamamahagi nito sa Bgy. New Agutaya.

san-vicente-shelter-assistance-schedule
san-vicente-shelter-assistance-schedule

Ang Emergency Shelter Assistance (ESA) ay programang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng San Vicente na naglalayong makatulong sa mga residente nito na makabili ng mga kinakailangang materyales sa pagsasaayos ng mga nasirang tahanan dulot ng kalamidad.


Ang mga kinakailangang dalhin sa pagkuha ng tulong pinansyal ay ang larawan ng nasirang pag-aaring bahay, kopya ng valid ID at ang pagpupuno ng ESA form.


Tinitiyak naman na mabibigyan ng shelter assistance ang lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ng programa. Kung wala sa masterlist ay kinakailangan lamang ng mga ito na makapagpresenta ng hinihinging requirements at isasailalim sa pagtatasa at ebalwasyon.


Sakaling may dalawa o higit pang bilang ng pamilya ang naninirahan sa iisang bahay, isang pamilya lamang ang maaaring mabigyan ng tulong pinansyal.


Sa tala ng Emergency Operations Center nitong ika-7 ng Enero, mayroon nang 8,997 ang naiulat na nasirang bahay dahil sa bagyong Odette. 7,476 dito ay partially damaged at 1,521 naman ang totally damaged.


Samantala, magpapatuloy ang pamamahagi ng ESA sa Barangay Port Barton (Enero 8-9), Caruray (Enero 10-11), Binga (Enero 12) at New Canipo (Enero 12).