san-vicente-palawan-budget-for-2021

Pursigido ang Lokal na Pamahalaan ng San Vicente na palakasin ang bawat nasasakupang barangay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga programa at proyektong nakahanay pondohan para sa taong 2021.

Inihain ang panukalang budget sa plenaryo ng Municipal Development Council noong ika-20 ng Oktubre, limang araw makalipas i-sumite ng Punong Bayan ang budget sa tanggapan ng Sangguniang Bayan. Ang Municipal Development Council ay kinabibilangan ni SB Member Renato M. Fernandez, mga punong barangay at mga civil society organizations.

Pinuri ni Kapitan Daniel Latube ng Barangay Kemdeng ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan na iulat ang panukalang budget. “Sa tinagal-tagal kong nanilbihan bilang Kapitan, ngayon lang may nag-present ng budget sa amin.” ani niya.



Para sa taong 2021, ang Bayan ng San Vicente ay naglaan ng PhP 457 milyon para pondohan ang mga proyektong nakatuon sa pagpapabuti ng kalusugan na may diin sa pagsupil sa banta ng pandemyang coronavirus, paghahanda sa mga kalamidad, programang pang agrikultura, imprastraktura, turismo at suportang hanapbuhay para sa mga apektadong residente.

Kasama rito ang PhP 104 milyong pondo para sa mga programa at proyektong pangkaunlaran (development projects) tulad ng pagpapatayo ng isang isolation facility para sa mga nakakahawang karamdaman (infectious diseases), pagbili ng ambulansya, speed boats at rescue pick-up trucks sa bawat barangay (PhP 41milyon) upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyong medikal sa mga nangangailangang residente ng San Vicente, lalo na sa mga malalayong sitio at isla naninirahan.

Nakapondo rin ang pagbili ng mga bagong heavy equipment tulad ng dump trucks, wastewater vacuum truck at mini backhoe loader upang palakasin ang agrikultura at masimulan din ang pagpapatayo ng sanitary landfill sa Brgy. Kemdeng at sewerage treatment plants sa Brgy. Port Barton at Poblacion (PhP 44.3 milyon) Mas palalawigin din sa susunod na taon ang pagpapagawa ng mga water supply systems sa Brgy. Binga, Caruray, New Canipo, New Agutaya at Poblacion (PhP 15.2 milyon).

Dagdag na trabaho din ang naghihintay sa mga mamamayan sa muling pagbubukas ng turismo sa Bayan. Para sa susunod na taon, naglaan ng PhP 12.9 milyon ang lokal na pamahalaan para sa mga livelihood projects at skills trainings. Nakapaloob din dito ang pagsisimula at pagbuo ng isang community-based tourism project sa Sitio Panindigan.

san-vicente-palawan-budget-Locally-Funded-Projects



Kasama din sa budget ang PhP 8 milyong suporta ng pamahalaang bayan para sa mga Barangay Health Workers (BHWs), Brgy. Nutrition Scholars (BEANS), Brgy. Microscopists, Brgy. Community Organizers (BCOs) and Brgy. Sanitary Inspectors. Dagdag suporta rin ang ibibigay para sa mga Daycare workers at Brgy. Registration Agents (BRAs) at Sitio Links para sa 2021.

Sa ngayon ay nakatuon ang Bayan ng San Vicente sa pagpapatupad ng mga programa at polisiya na pipigil sa pagkalat ng pandemya. Kaugnay nito, maglalaan ang lokal na pamahalaan ng PhP 4.2 milyon na tulong at suporta para sa mga frontliners at mga residenteng naapektuhan ng banta ng COVID-19.

Naniniwala ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Punong Bayan Amy Roa Alvarez na ang panukalang budget para sa taong 2021 ang magsisilbing gabay at balangkas ng Bayan ng San Vicente upang makapagsimula at ibalik muli ang dating sigla nito.

Hangarin ng alkalde na mas ilapit pa ang mga serbisyo ng pamahalaan sa bawat komunidad sa pamamagitan ng mga programa at gawaing mag-aangat sa antas ng buhay ng bawat mamamayan.