Dalawampung (20) out-of-school youth sa bayan ng San Vicente ang kasalukuyang nagsasanay ng Beauty Care Services bilang bahagi ng livelihood program na itinataguyod ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Pinangangasiwaan ni G. Cleo Diomampo, isang regional assessor mula sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA), ang labinlimang (15) araw na pagsasanay.

Ang mga benepisyaryo ng programang ito ay kinabibilangan ng mga OSY mula sa sampung barangay ng San Vicente na may edad 30 pababa.

Ayon sa MSWDO, ilan sa mga kasanayan na ibinabahagi rito ang pamamaraan sa pagsasagawa ng manicure, pedicure, massage, body spa, make-up at iba pa.

Ang mga ito umano kasi ang kinakailangan at mapakikinabangan ng mga nagsasanay upang kanilang magamit bilang karagdagang pagkakakitaan.

“Ito [yung mga skills] na mas kailangan siya palagi rito sa atin. Every week mayroong nagpapalinis ng kuko, mayroong nagpapaganda. Kasama rin dito ang massage, body spa, at foot spa. Ito talaga ay kailangan lalo rito sa atin na isang tourism area,” pagbabahagi ni Bb. Angelina T. Castillo, Social Welfare Assistant.

Maaari rin umano itong magbukas ng oportunidad sa mga benepisyaryo upang makapangibang bansa. Nakatakda ang pagtatapos ng pagsasanay sa ika-25 ng Nobyembre taong kasalukuyan.

Magkakaroon din umano ng phase 2 ng pagsasanay na nakaprograma sa susunod na taon upang ganap na makakuha ng national certificate (NC) II ang mga partisipante.

Dagdag pa ng MSWDO, naisagawa na nila ang kahalintulad na pagsasanay noong taong 2018 sa Bgy. Port Barton kung saan benepisyaryo ang 20 kababaihan roon na sa kasalukuyan ay kumikita na dahil sa ipinagkaloob na libreng pagsasanay.