Pormal na nagtapos ang dalawapung (20) out of school youth sa bayan ng San Vicente na sumailalim sa 15 araw na pagsasanay patungkol sa Beauty Care Services.

Ginanap ang pagtatapos sa Palawan State University San Vicente Campus kahapon, ika-25 ng Nobyembre.

Itinuro rito ang mga kasanayan sa manicure at pedicure, foot spa at facial make-up na bahagi ng mga competencies sa ilalim ng Beauty Care Services NC II.

Ang libreng pagsasanay ay ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng San Vicente sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) bilang bahagi ng livelihood program nito.

Humanga si G. Cleo P. Diomampo, accredited trainer mula sa Technical Skills and Development Authority (TESDA), sa ipinamalas na dedikasyon sa pagkatuto at kahusayan ng mga naging benepisyaryo ng programa.

Hiling din niya na magamit ng mga ito ang mga natutunan upang mapagbuti ang kanilang sarili at pamilya.

“I am very impressed by the output ng mga bata [bilang] regional assessor din ng TESDA… because of their dedication na kahit sila ay nanggagaling sa malalayong lugar, araw-araw, walang absent, because of their intention to learn. It paid off. Mahuhusay sila,” saad ni G. Diomampo.

Ayon kay MSWD Officer Jennilyn Laro, ang pagsasanay ay naglalayong madagdagan ang kanilang kasanayan upang sila ay makasabay at bilang paghahanda sa unti-unting pag-unlad ng industriya ng turismo sa bayan.

“Ganyan po kayo pinahahalagahan ng ating LGU… Ito po ay in preparation po doon sa magiging takbo ng ating tourism activity ng San Vicente. Kaya ang mga ginagawang programa ni San Vicente ngayon ay in preparation po ng pag-unlad ng San Vicente,” ani hepe ng MSWDO.

Nagpasalamat sa lokal na pamahalaan at TESDA ang isa sa mga nagtapos na si Bb. Norabel P. Andamon, 28, manikurista, mula sa Bgy. New Agutaya.

“Para sa akin malaking tulong talaga ito sa akin lalo na ako wala akong pamilya rito, wala akong masandalan. Dagdag kaalaman po ang foot spa, dati na kasi akong manikurista, nadagdagan na ngayon ang skills ko, makatutulong talaga ito sa pamilya ko,” aniya.

Samantala, tumanggap din ng libreng materials at supplies ng kits at allowance ang naturang mga OSY. Upang matiyak ang kaligtasan laban sa COVID-19, mahigpit na ipinatupad dito ang minimum public health standards.

Sumailalim din sa rapid antigen testing ang bawat isa bago magsimula ang pagsasanay noong ika-11 ng Nobyembre.