san-vicente-palawan-mass-wedding-at-bgy-binga

Nagpalitan ng matatamis na “I Do” ang 16 na magkasintahan sa ginanap na Kasalang Bayan sa Bgy. Binga noong araw ng Martes, Mayo 18.
Pinangunahan ni Mayor Amy R. Alvarez bilang solemnizing officer ang pagsasagawa ng “Yes I Do!, a Mass Wedding Activity” na nilahukan ng 15 pares mula sa Bgy. Binga at isang pares ng senior citizen mula naman sa Bgy. Sto Niño.
Ayon kay Bb. Lucille C. Laong, officer-in-charge ng Office of the Municipal Civil Registrar (OMCR), naging matagumpay at masaya ang pagsasagawa ng kasalang bayan na isa sa mga regular na programa na itinataguyod ng kanilang opisina.
Aniya, limitado ang mga taong dumalo sa aktibidad upang masiguro ang pagsunod sa mga itinakdang panuntunan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ani Bb. Laong, nagsasagawa ng libreng kasalang bayan upang maging legal ang pagsasama ng magkasintahan.

san-vicente-palawan-mass-wedding-at-bgy-binga


“As per record kasi, mataas ang bilang ng mga inire-rehistro [na mga bata] na hindi kasal ang mga magulang. Ang LGU ay [nagsasagawa ng ganitong aktibidad] upang kahit papaano ay maikasal ang mga couple na hindi pa naikakasal,” saad ng kawani ng OMCR.
Bago ang naturang aktibidad ay tumungo ang OMCR sa Bgy. Binga upang magsagawa ng interview para sa mga ikakasal. Sumailalim din ang mga ito sa counselling at family planning seminar sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office.
“Free na ang babayaran nila roon para sa solemnization. Ang [kailangan] lang nila i-produce ay ang CENOMAR at application. Tsaka nali-less ang gastos nila kasi kami ang pumupunta sa kanila [para magsagawa ng] interview nila at sa counselling and family planning ang MSWDO ang pumupunta sa kanila,” ani Bb. Laong.
Samantala, tumanggap ng mga regalo ang mga bagong kasal mula sa mga opisyal ng Pamahalaang Bayan.
Ito ang pangalawang kasalang bayan ngayong taon na pinangunahan ng alkalde ng San Vicente. Noong buwan ng Pebrero ay 27 magkasintahan din ang nakibahagi sa mass wedding na ginanap naman sa Bgy. Poblacion.