san-vicente-palawan-save-youth-organization

Naging abala kamakailan ang San Vicente Empowering (SaVE) Youth Organization sa pagtungo sa mga barangay upang bumuo ng promotional video na nagtatampok sa mga destinasyong maaaring puntahan ng mga turista sa munisipyo.

“With the SaVE Youth, pinu-promote po namin ang mga tourism spot na p’wede na ulit mag safe visit ang mga tourist,” kuwento ni Mayer Tranq Rhumses Bacaltos, executive director ng organisasyon.

Aniya, kasabay ng gawain ang inisyal na pagpapakilala ng organisasyon sa kapwa mga kabataan sa mga barangay.

Nagsagawa rin ang samahan ng pamamahagi ng relief goods sa mga katutubo ng Barangay Kemdeng, coastal clean-up at pagbibigay ng mga IEC materials patungkol sa pangangalaga ng kalikasan at pangangalaga sa mga pawikan.

Upang mapalakas pa ang organisasyon, sila ay namahagi rin ng membership form para sa mga nagnanais maging miyembro.

Dagdag pa ni Bacaltos, layon nila na makatulong sa pagpapalakas ng sektor ng kabataan at mahikayat ang mga ito na makibahagi sa mga gawaing lalong magpapaunlad sa kanilang mga kakayahan.

“Pinaka-main goal ng SaVE Youth ay matulungang palakasin ang sektor ng kabataan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa na siyang magbibigay pagkakataon sa kapwa kabataan na makilahok, makibahagi at makialam at mailayo sila sa mga ‘di kanais-nais na gawain at magkaroon ng magandang kinabukasan,” ani Bacaltos.

san-vicente-palawan-save-youth-organization

Layon din umano nilang maipakilala ang kanilang samahan sa National Youth Commission.

Ayon naman sa presidente ng organisasyon, mas malawak na ang kanilang maaaring matutunan at mas mahahasa ang kanilang mga kakayahan dahil sa mas pinalakas na samahan at pagkakaroon ng iba’t ibang yunit nito.

“Hindi [na] lang po kami nags-stick sa pagiging facilitator at sa pagiging speaker. Ngayon po mayroon na po kaming iba’t ibang unit na may nakatuka na sa iba’t ibang trabaho,” ani Hannah Irah Mae Latube.

san-vicente-palawan-save-youth-organization

Aniya, ang pagiging miyembro ng kanilang organisasyon ay isang oportunidad upang lalong mahasa ang kakayahan at magkaroon ng iba pang kaalaman sa mga usapin sa kasalukuyan.

“Personally… na-develop po ‘yung self-esteem ko, ‘yung self-confidence ko at saka ‘yung public speaking ko na-develop siya in a way na nakapagsasalita na ako kahit impromptu,” pagbabahagi ni Latube. “Masaya [rin] po sa pakiramdam na makatulong kami sa ibang kabataan just by empowering them thru bigyan sila ng kaalaman.”

Malaki rin ang kanilang pasasalamat sa Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa patuloy na pagsuporta sa mga inisyatibong isinasagawa para sa sektor ng kabataan.

“Thankful po and talagang blessed kami na mayroong Mayor na talagang full support po ang ibinibigay pagdating sa growth at saka sa empowerment ng kabataan ng San Vicente,” ani Bacaltos.

Sakaling matapos ay mapapanood ang tourism promotional video na kanilang ginawa sa SaVE Youth Organization facebook page.