san-vicente-palawan-maintains-low-malnutrition-prevalence-rate

Mayroon na lamang 2.4 % malnutrition prevalence rate (MPR) ang munisipyo ng San Vicente ngayong taong 2021, pinakamababa kung ikukumpara sa nakalipas na sampung taon, ayon sa ibinahaging datos ng Municipal Nutrition Office.

Sa resulta ng isinagawang Operation Timbang ngayong taon sa 2,845 pre-schoolers may edad 0 hanggang 59 na buwan, 69 bilang ng mga bata na lamang ang naitalang malnourished o may mababang timbang ayon sa edad (weight for age status).

Ayon kay Municipal Nutrition Action Officer Rodrigo A. Cipriano, Jr., nakapagtatala taun-taon ang munisipyo ng pagbaba sa bilang ng malnourished pre-schoolers.

Sa kanilang tala, ang munisipyo ay mayroong 2.8 MPR noong taong 2020 at 3 MPR noong taong 2019. Ang mga datos na ito ay mababa sa 9.6 MPR na naitala noong taong 2011 at 8.62 MPR noong 2012.

Ayon pa sa kanya, patuloy na tinutugunan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang pangangailangan ng mga bata sa nutrisyon sa pamamagitan ng mga programa tulad ng pagbibigay ng infant supplementary mixture (insumix) at mga interbensyong isinasagawa ng Barangay Nutirition Council (BNC).

san-vicente-palawan-maintains-low-malnutrition-prevalence-rate

“Sa atin ang pinaka-strategy natin dito sa San Vicente ay ‘yung insumix. Tayo lang ang nag-maintain niyan sa buong Palawan na regular tayong nagbibigay ng insumix. Binibigyan natin ang mga malnourish,” ani Cipriano.

Ang mga Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars (BEANS) ang nagsisilbing katuwang ng Pamahalaang Bayan sa pamamahagi ng insumix sa mga batang nangangailangan.

“Ang pagbibigay namin ay pagpalagay ng sampung araw o one month depende kung ilan ang supply natin. Continuous ‘yan siya. Sinu-supplyan talaga natin sila,” pagpapatuloy niya.

Regular din umanong nagsasagawa ang mga BNC ng pagpupulong upang pag-usapan ang resulta ng isinasagawang Operation Timbang (OPT) at kung papaano tutugunan ang kakulangan sa nutrisyon ng mga batang nasasakupan.

Tinatalakay [sa pagpupulong kung] ano ang reason bakit malnourish [ang isang bata]… Ano ang nakita mong problema [na mayroon sa kanilang] bahay? Kung baga i-address mo ang problema no’ng bata,” saad pa ng Nutrition Action Officer.

Dagdag pa niya, malaki ang naitutulong sa pagpapataas ng timbang ng mga pre-schoolers ng isinasagawang feeding program ng Non-Government Agencies (NGAs) at ng mga programang ipinapatupad ng iba pang opisina ng Pamahalaang Bayan.

Noong ika-2 hanggang ika-3 ng Marso ay sumailalim ang bayan ng San Vicente sa monitoring and evaluation of local level plan implementation (MELLPI) ng mga programang pangnutrisyon.

“Tayo po ay Green Banner [awardee] na simula 2014 hanggang 2018. Ang in-evaluate po sa atin ay 2019. Kasi nong [20]20 ay nagkaroon ng pandemya [kaya] hindi natuloy ang evaluation,” ani Cipriano.

Ginawaran din ang Munisipyo ng San Vicente ng CROWN Award dahil sa limang magkakasunod na taon na itong kinikilala at awardee ng Green Banner.

Aniya, ang paggawad ng Green Banner Award ay nangangahulugang “ang munisipyo natin ang may pinakamagandang practice ng nutrition program sa buong Palawan.”

Samantala, ang San Vicente ay mayroon namang 3.0 prevalence batay sa weight for height status at 8.6 prevalence batay sa height for age status ng mga pre-schoolers ngayong 2021. Mababa ito kumpara sa mga datos noong taong 2020 na may 6 at 13 prevalence, ayon sa pagkakasunod-sunod.