Matagumpay na nakilahok ang Bayan ng San Vicente kahapon, ika-11 ng Marso, sa ginanap na Online Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa unang kwarter ng taon na inisyatibo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense (OCD).

Sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), dumalo sa Online NSED ang mga kinatawan mula sa Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Philippine Marines, Philippine National Police, Municipal Health Office at grupo ng mga kababaihan ng San Vicente.

Ang mga ito ay aktibo ring nakibahagi matapos ang pagpapatunog ng sirena ganap na alas 2 ng hapon hudyat ng sabay-sabay na pakikilahok sa gawaing “Duck, Cover and Hold”.

Ayon kay Bb Nikki Angelie C. Manese, nurse mula sa MDRRMO, mahalaga ang naturang pakikibahagi sa gawain upang magkaroon ng kaalaman at maging laging handa sa mga dapat na gawin “bago, kasalukuyan at pagkatapos” ng lindol.

Aniya, bagaman sinasabing ligtas ang Palawan sa mapaminsalang lindol, nararapat pa rin na may kaalaman ang bawat isa upang maging handa sa posibilidad ng lindol kung sakaling ang mga ito ay nasa ibang lugar.

“We are very much aware na ang earthquake po ay malakas sa ibang lugar so marami pong active fault lines. Wala man pong active fault line ang Palawan pero isa po ‘yun sa ini-impart natin sa kanila na kung sakaling makarating sila sa ibang lugar, they are very much prepared before, kasalukuyan and after ng earthquake,” paliwanag niya.

“Halimbawang napadpad sila sa Manila then nauyog ang building at least alam po nila kung paano nila i-save ang sarili nila,” pagpapatuloy pa niya.

Dagdag pa niya, bago pa man ang naturang gawain ay nagsagawa na ang MDRRMO ng Information Education Campaign (IEC) patungkol sa disaster awareness sa sampung barangay ng munisipyo noong buwan ng Pebrero. Dito ay nagkaroon ng talakayan, presentasyon at simulation upang maihanda ang mga partisipante sa posibleng sakuna at kalamidad.

“Ang pinaka-main [objective] po namin doon ay earthquake [drill]. We have bagyo and baha, ano ang gagawin nila bago, kasalukuyan at pagkatapos. [Ang patungkol sa] sunog sinama rin po namin dahil ang March [ay Fire Prevention Month] then pinaka-last po namin ay tsunami and earthquake drill,” kuwento pa ni Manese.

Ang NSED ay isinasagawa apat na beses sa isang taon na naglalayong pagtibayin ang kahandaan at kaalaman ng bawat Pilipino sa mga dapat gawin bago, kasalukuyan at matapos ang lindol.

Ayon pa sa kawani ng MDRRMO, limitado lamang ang kanilang inimbitahan sa pagdalo sa Online NSED na isinagawa sa Malagnang Room ng Pamahalaang Bayan bilang pagtalima sa mga kautusan upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 at masiguro na magkakaroon ng social distancing.