san-vicente-palawan-unified-health-protocol

Matagumpay na nakiisa ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa selebrasyon ng 31st Civil Registration Month noong buwan ng Pebrero.

Nagsagawa ang Office of the Municipal Civil Registrar (OMCR) ng aktibidad kung saan libre at walang kaukulang bayad ang pagkuha ng certified true copy ng mga dokumento tulad ng birth certificate, marriage contract at death certificate.

Ayon kay Bb. Lucille C. Laong ng OMCR, mayroong 169 bilang ng mga kliyente ang naserbisyuhan ng aktibidad na ginanap noong ika-24 ng Pebrero. Aniya, nakatanggap sila ng 58 PSA SecPa copy requests, 60 out-of-town registration, 68 delayed registration, 6 affidavit of legitimation at 12 affidavit to use username of the father.

Maliban dito ay nagsagawa rin ng Yes, I Do! A civil mass wedding activity kung saan 27 magkasintahan mula sa iba’t ibang barangay ang nag-isang dibdib noong ika-16 ng Pebrero sa Municipal Gymnasium, Bgy. Poblacion, San Vicente, Palawan. Si Mayor Amy R. Alvarez ang tumayong solemnizing officer sa aktibidad.

Labing-anim (16) na pares naman ang nakibahagi sa ginanap na religious mass wedding noong ika-13 ng Pebrero sa Bgy. Port Barton. Ang OMCR ang nanguna sa pagsasagawa ng interbyu, counselling at seminar patungkol sa family planning.

Nagtungo rin ang OMCR sa Bgy. Sto. Niño kamakailan upang magsagawa ng charity activity kung saan sila ay namigay ng mga damit at iba pang kagamitan sa mga katutubo.

Tiniyak naman na nasusunod ang itinakdang health protocols kontra COVID-19 sa pagsasagawa ng mga aktibidad, ayon pa kay Bb. Laong.

Ang pagdiriwang ng 31st Civil Registration Month ay may temang “Strengthening Civil Registration and Vital Statistics’ Digital Information: The Ways to Manage the New Normal.”