san-vicente-palawan-receives-12-riso-printing-machines

Tinanggap ng Department of Education-San Vicente District ang 12 RISO printing machines mula ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ngayong araw, Marso 29, bilang tugon sa pagtataguyod ng distance learning sa munisipyo.

Pormal na isinalin ni Mayor Amy R. Alvarez ang pangangalaga ng naturang mga kagamitan kay G. Arlante N. Inventor, public schools district supervisor.

“Una sa lahat ay gusto kong pasalamatan ang ating alkalde sa bayan ng San Vicente sa pagbigay ng RISO machines. Ito ay makakatulong para sa ating mga estudyante at sa mga teachers sa pagprint ng mga modules,” ani G. Inventor.

Aniya, ang mga kagamitan ay makakatulong sa pagpapabilis ng produksyon ng mga self-learning modules na ipinamamahagi sa mga mag-aaral. Malaking tulong din umano ang mga ito lalo’t marami sa mga printer na ginagamit ng mga guro ang nasira na.

“Kasi ‘yung dating printing machines…, ‘yung maliliit na machine ay talagang kung minsan idi-distribute na [ngunit] kulang pa rin ang modules na ibibigay sa ating mga estudyante.”

“Malaki ang maitutulong dito ng RISO machines sapagkat marami ang maipi-print para at least ma-cope up namin ang iba’t ibang modules na p’wedeng i-distribute sa bawat grading period dito sa San Vicente,” pagpapatuloy ng district supervisor.

Napag-alaman din mula sa kanya na nakabase ang distribusyon ng naturang mga kagamitan sa pangkat na kinabibilangan ng mga paaralan at kung saan ay mayroong maayos na suplay ng kuryente.

“Ang Caruray group [halimbawa] ay dito sa Port Barton ipi-print ang kanilang mga SLMs o mga modules.”

“Ang [RISO machine para sa] New Canipo, Binga at Cauban at saka ‘yung New Canipo National High School ay ibabase roon sa Alimanguan kasi ‘yun ang mayroong kuryente na p’wede nilang magawa para sa ganoon ay tatagal din ang buhay ng RISO machines sa printing,” paliwanag ni G. Inventor.

Ang RISO CV1200W ay isang high speed printing machine na may kakayahang mag-imprinta ng 100 pahina sa loob ng isang minuto (100ppm).

Ilang mga guro naman ang sumailalim sa oryentasyon sa paggamit ng naturang kagamitan kamakailan.

Ang distance learning ay estratehiyang ginagamit ng DepEd sa pagtuturo ngayong panahon ng pandemya bilang alternatibong pamamaraan sa pagsasagawa ng face to face classes.