san-vicente-save-youth-organization

Palalakasin ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ngayong taon ang San Vicente Empowering Youth (SaVE Youth) Organization sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gampaning makatutulong upang mahasa ang kakayahan ng mga miyembro nito sa pago-organisa ng mga aktibidad.

Ibinalita ni Local Youth Development Officer-Designate Karen V. Andonga na nagsagawa ang naturang organisasyon ng strategic planning noong ika-10 hanggang ika-11 ng Marso taong kasalukuyan, upang pag-usapan ang mga gawain sa pagpapaunlad ng sektor ng kabataan sa munisipyo.

“Binigyan namin sila ng mas technical na work ngayon. Nagkaroon kami ng strategic planning para doon sa mga incoming activity ng LGU, sa mga future activity na sila ay magiging official partner na natin,” saad ng LYDO-Designate.

Dumalo sa isinagawang strategic planning si Mayor Amy R. Alvarez na nagpahayag ng kanyang suporta sa organisasyon at sa iba pang programa sa pagpapaunlad ng mga kabataan.

“Natutuwa si Mayor kasi mayroon nang katuwang ang LGU pagdating doon sa youth development natin kasi mayroon tayong Youth and Sustainable Development Goals,” kuwento pa ni Andonga.

Aniya, hindi katulad ng dati, mas bibigyan na ng pagkakataong makibahagi ang mga kabataang miyembro nito sa mga gawaing teknikal.

“One of the goals kasi ng SaVE Youth ay empowerment. Mas maganda kasi na ang mga youth leaders natin o ‘yung SAVE Youth pa lang [ay] empowered na sila,” sabi ni Andonga.

“Ngayon binibigyan talaga natin sila ng technical participation. Sila na ang magiging resource speaker, sila na ang organizer, sila na ang lahat ng planning. So ‘yun ang pinaka-magiging role ng SaVE Youth natin pagdating sa mga activities natin.”

Aniya, magsasagawa ng SK Functionalities Orientation cum LYDC Orientation at Procurement of Fund Budgeting and Auditing sa darating na ika-21 hanggang ika-23 ng Abril. Ito ay dadaluhan ng mga opisyales ng Sangguniang Kabataan ng mga barangay at mga kabataang lider.

Magkakaroon din ng Information Education Campaign sa isasagawang Youth Camp and Caravan sa mga susunod na buwan. Aniya, magsisilbing resource speaker ang mga kabataang miyembro sa mga usapin tulad ng teenage pregnancy, mental health, at COVID-19 awareness. Nakatakda silang sumailalim sa training of trainers sa buwan ng Abril.

Ang mga gawaing ito umano ang unang magiging “big break” ng organisasyon ngayong taon.

“Sila ay magiging katuwang natin na magca-cascade ng mga information pertaining to youth development program,” ani Andonga sa gampanin ng organisasyon pagdating sa mga barangay.

Ang SaVE Youth Organization ay itinatag noong taong 2017. Sa kasalukuyan ay mayroon itong 26 na kabataang miyembro mula sa iba’t ibang barangay.

“Gagawin natin kasi ang SaVE Youth na municipal-wide youth organization na lahat ng klase ng mga kabataan, lahat ng mga miyembro ng iba’t ibang organization ay isasama na natin dito,” pagtatapos ng LYDO-designate.