san-vicente-palawan-covid-19-vaccine-resbakuna

Umarangkada na sa munisipyo ng San Vicente ang pagbabakuna laban sa COVID-19 gamit ang astraZeneca vaccine.

Limampu’t siyam (59) frontliners ang nabakunahan sa “Resbakuna: Kasangga ng Bida” na ginanap sa San Vicente Central School ngayong araw, ika-19 ng Marso.

Naging matagumpay ang unang araw ng pagbabakuna sa mga empleyado ng Rural Health Unit (RHU), personnel ng Ligtas COVID Facility, Barangay Health Workers (BHW) at Barangay Health Emergency and Response Teams (BHERT) ng Bgy. New Agutaya at Bgy. San Isidro, ayon sa pagtatasa ng Municipal Health Officer.

“So far naging successful naman ang first set kaninang morning. Kasi ang target natin today ay 60 [frontliners], 30 sa morning at 30 sa hapon. Kaninang morning naka-40 na tayo kaagad… Naglaan tayo ng at least one hour observation period para roon sa mga mauunang mabakunahan,” ani Dra. Mercy Grace S. Pablico na siyang pinakaunang tumanggap ng bakuna.

“Wala akong naramdaman. Actually hindi siya nakakatakot. Katulad lang ng ibang bakuna [ang pakiramdam],” kanyang pagbabahagi. Ang isinasagawang pagbabakuna, aniya, ay malaking kaginhawaan at pag-asa sa patuloy na paglaban sa COVID-19.

“After vaccination, syempre mafi-feel mo as health officer ‘yung relief at saka ‘yung hope na nasa another phase [na] tayo no’ng battle,” pagpapatuloy niya.

san-vicente-palawan-covid-19-vaccine-resbakuna

“Sabi ko nga, be vaccinated para sa ating family at sa community… Ito ‘yung best weapon sa ngayon ang maging bakunado. Hinihikayat ko ang lahat ng ating mga kababayan lalo na ang ating mga eligible frontline health workers na manguna, makiisa at magpabakuna,” dagdag pa niya.

Wala din umanong naitalang adverse events following immunization (AEFI).

“Wala namang kahit hilo or mga pain. Wala naman so far.”

May limang frontliners naman ang hindi pumasa sa screening dahil ang mga ito ay buntis, nagpapasuso, may mataas na blood pressure at tumanggap ng ibang bakuna nitong nagdaang linggo.

Pinaalalahanan naman ng hepe ng MHO ang mga nabakunahan na patuloy pa ring mag-ingat sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at face shield, sumunod sa physical distancing at obserbahan ang standard health protocol.

“‘Nire-remind ang lahat ng mga nabakunahan na it takes time para maka-develop tayo ng immunity at antibodies sa katawan natin. Kasi sabi nga two weeks after the second dose mo makukuha pa lang ang full immunity,” paliwanag ni Dra. Pablico.

san-vicente-palawan-covid-19-vaccine-resbakuna

Target na mabakunahan ang 230 medical frontliners ng munisipyo gamit ang 500 doses ng AstraZeneca vaccine na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa munisipyo noong ika-15 ng Marso.

Ipagpapatuloy ang pagbabakuna ng mga frontliners sa araw ng Lunes.