san-vicente-palawan-covid-19-vaccination-astrazeneca

Patuloy ang isinasagawang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa bayan ng San Vicente sa pangunguna ng Municipal Health Office.

Ngayon ang ikaapat na araw ng pagbabakuna na isinasagawa sa San Vicente Central School.

Ayon kay Assistant Municipal Health Officer Bonifacio Estorninos, Jr., mayroon na lamang 30 doses ng Sinovac na magagamit habang nakalaan para sa senior citizens ang natitirang suplay ng AstraZeneca ngayong araw.

Dagdag pa niya, nakatakdang magtungo ang kanilang grupo sa Bgy. Port Barton sa araw ng Biyernes upang magsagawa ng pagbabakuna sa mga healthcare frontliners doon.

Kahapon, Marso 23, ay tumanggap ng first dose ng bakuna ang nasa 84 na indibidwal na kinabibilangan ng mga healthcare frontliners. 80 sa bilang na ito ang nagpaturok ng AstraZeneca vaccine at 4 ang pumiling magpaturok gamit ang bakunang Sinovac.

Mayroon namang 60 indibidwal ang nabakunahan ng AstraZeneca noong araw ng Lunes.

Matatandaan na tinanggap ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang 500 doses ng AstraZeneca vaccine noong Marso 15 mula sa Provincial Health Office. Dumating naman ang 50 doses ng Sinovac noong araw ng Lunes, Marso 22.